SC at Malakanyang at Ampatuan massacre

benny antiporda

SA araw na ito, gugunitain natin ang ikatlong taon ng  Ampatuan massacre

Walang awang pinagpapaslang at ibinaon sa lupa sa pamamagitan ng backhoe na parang hayop ang nasa 33 nating kapatid  sa propesyon at 25 iba pa.

MGA MARTIR NA MEDIAMEN

Namatay sa ngalan ng malayang pamamahayag sina Ronnel Suangco, ng Manila Bulletin; John Mickel Laude ng DZRH; John Dave T. Eturma, DZRO manager;  Mickel Laude Style ng Bombo Radyo; Jhoy Dojay, ng Goldstar Daily; Andy Teodoro ng Mindanao Examiner at Central Mindanao Inquirer; Ian Subang, Leah Dalmacio, Gina Dela Cruz,  Maritess Cablitas, lahat ng Mindanao Focus; Neneng Montano ng Saksi weekly newspaper; Victor Nuñez, McDelbert “Macmac” Arriola, Jolito Evardo at Daniel Tiamson, lahat ng UNTV; Reynaldo Momay, Rey Merisco, Ronnie Perante, Jun Legarta at Val Cachuela na pawang nakabase sa Koronadal; Santos “Jun” Gatchalian na nakabase sa Davao; Joel Parcon, Noel Decena, John Caniba, Art Betia, Ranie Razon, Archie Ace David,  at Fernando “Ferdz” Mendoza na pawang mga freelance journalist.

MGA MARTIR NG MAGUINDANAO

Pinagpapatay at ibinaon din sa lupa sina Genalyn Tiamson-Mangudadatu, asawa ni Esmael ‘Toto’ Mangudadatu na ngayo’y gobernador ng Maguindanao; Eden Mangudadatu, Municipal Vice Mayor ng Mangudadatu, Maguindanao; Rowena Mangudadatu; Manguba Mangudadatu; Faridah Sabdulah, Concepcion “Connie” Brizuela, Cynthia Oquendo na pawang mga abogada; Farida Mangudadatu; Farina Mangudadatu;  Catalino Oquendo; at Rasul Daud.

MGA NADAMAY

Nadamay rin sa massacre sina Eduardo Lechonsito ng Tacurong City, Sultan Kudarat; asawa nitong si Cecille Lechonsito; Mercy Palabrica; Daryll delos Reyes; at Wilhelm Palabrica Driver.

PAGBABAGO

Hindi nasayang ang buhay ng lahat ng ating mga kapatid sa media, kasama na ang iba pang pinagpapatay.

Sa kanilang kamatayan nagkatotoo ang paniniwalang kailangang mamatay ang isang bunga upang uusbong ang panibagong puno.

Hindi lang sa Maguindanao nagkaroon ng pagbabago kundi maging sa Malakanyang.

Ikinabagsak ng makapangyarihang pamilya Ampatuan ang pangyayari at kasama nilang bumagsak ang mga padrino nila na minsang humawak ng renda ng kapangyarihan sa Malakanyang at sa buong Pilipinas.

Totoo na hindi nakasuhan ang mga taga-Malakanyang ng krimeng maramihang murder kagaya ng mga Ampatuan ngunit pare-parehong nakakulong ang mga suspek sa murder at mga kakutsaba nila sa maruming politika sa Maguindanao.

Ang hinihinalang sabwatan sa pulitika ng mga Arroyo sa Malakanyang at Ampatuan sa Maguindanao ang pinanggalingan ng kapangyarihang humantong sa maramihang pagpatay sa mediamen at kalaban ng mga ito sa pulitika.

USAD PAGONG NA  KATARUNGAN

Ang isang nakapangingilabot sa ngayon ay ang mabagal pa sa pagong na pag-usad ng katarungan.

Dahil sa bagal ng galaw ng katarungan, may pinatay nang mga saksi.

Tuloy-tuloy naman ang mga pagtatangka na tapalan ng pera ang mga pamilya ng mga biktima at ang mga saksi.

Tuloy-tuloy rin ang nakatatakot na kalagayan sa hindi pagkakaaresto ng nasa kalahati ng halos 200 suspek sa krimen.

Naririyan lagi ang posibiliad na nanganganib ang buhay ng mga pamilya ng mga biktima at ng mga saksi.

Sapagkat hindi lang ang mga natitirang suspek sa masaker ang malayang gumagala kundi maging ang nasa 800 pang tauhan ng mga prinsipal na suspek.

Ang nasa 1,000 armadong tauhan ng mga Ampatuan ang pinanggagalingan ng sobrang lakas ng mga ito noon na lumapastangan hindi lang sa politika sa lugar kundi maging sa buhay ng nauugnayan nilang tao, lalo na ang mga hindi nila kasundo.

MEDIA GINAPOS, PINIRINGAN

Nitong nagdaang mga araw, naglabas ang Supreme Court ng desisyon na nagbabawal sa live media coverage sa trial ng Ampatuan mas-sacre.

Nangangahulugan na bawal nang i-ere ng mga telebisyon, radio at internet ng mga pahayaggan ang pag-uusig na ginaganap sa Bicutan Rehabilitation Center, Taguig, Metro Manila.

Maging ang mga ginaganap na kaugnay na pagdinig na kaso sa mga hukuman sa iba pang lugar.

Kaya naman, kinakailangan pang pumunta sa mga hukuman ang mga pamilya ng mga biktima at interesadong mamamayan sa kaso.

Sarado na rin ang pintuan para sa international community na sumubaybay sa pag-uusig.

Dahil dito, may pangamba hindi lang na mawalan ng sigla ang mga tao sa pagsubaybay sa kaso.

Maaaring mapasukan ang pag-uusig ng mga maniobra na magpapawalang-saysay sa katotohanan at katarungan.

KARAPATAN NG MGA AKUSADO

Sadyang makapangyarihan ang mga akusado at naigiit nila sa Hukuman ang karapatan nilang hindi mahusgahan sa trial by publicity.

Ngunit higit dito ay ang pangamba sa mga maniobra na doon sila posibleng mapapawalang-sala.

KARAPATAN NG MAMAMAYAN

Ang karapatan ng mga biktima at publiko na sumali sa pagtuklas ng katotohanan at kumilala sa mga tunay na salarin sa bukas na pag-uusig ay binalewala ng Hukuman.

Ito ang mga dahilan para susugod tayo sa Malakanyang sa araw na ito.

Ipaglalaban natin ang karapatan ng lahat na sumali sa mga pagdinig sa kaso at hindi pagsarhan ng mga pintuan ng mga hukuman.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply