Sec. Paje mahilig sa palusot

pakurot

UPANG hindi “maboldyak” ng Senado at maging ni Pangulong Benigno Aquino III, madalas ay ipinapasa ni Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang sisi sa iba bagaman sa kanya nagmula ang palpak na hakbang.

Hindi magandang klaseng ugali ng isang hepe na ipasalo sa iba ang kanyang pagkakamali para lang mailigtas ang sarili. Ang tawag sa ganitong klaseng opisyal ay “hunyango.” Kung hindi man, puwede ring tawagin itong “doble-kara.”

Bakit hindi tindigan ni Paje ang tensyon na bumabalot sa Zamboanga del Sur sa halip na ituro niya si dating DENR Sec. Lito Atienza na nagpalabas ng special permit sa Lupa Pigegetawan Mining Corp. upang makapagmina ng ginto at iba pang yamang lupa na matatagpuan sa nasabing lalawigan?

Sabihin nang nagkaroon ng cash-unduan noong panahon ni Atienza dahil mismong si Paje ang tumatayong mining adviser at undersecretary for field operation.

Tapos na ang pamamayagpag ng nakaraang gobyerno.

Hindi ba puwedeng i-revoke angspecial permit?

Siguro nga ay hindi dahil nakinabang na rin si Paje sa cash-unduan. Ito marahil ang ipinagpuputok ng butse ni Zamboanga del Sur Gov. Antonio Ceriles.

Gigil na gigil siya kay Paje dahil sobrang panggagahasa na sa likas na yaman ng kanyang lalawigan ang ginagawa ng mining corporation pero wala siyang magawa dahil nga sa may permiso ito ng DENR.

Dahil buking na sa kanyang kapalpakan, si Leo Jasareno, director ng Bureau of Mines naman ang itinuturo ni Paje na may kagagawan ng pagkakaroon ng special permit ng LPMC bagama’t peke ang credentials ng mga ito na iprinisinta sa DENR.

Hay naku, wala na ba talagang gagawin itong si Paje kung hindi mag-iwas pusoy? Tama bang ibato niya kay Jasareno ang kawalang-silbi ng DENR sa paglaban sa
mga naghahalay sa kalikasan?

Marami pang illegal mining sa Luzon, Visayas at Mindanao  na nakapagdudulot ng panganib sa ating mga kababayan. Lahat ng mga ito ay tiyak na dumaan sa lamesa ni Jasareno bago nakapag-operate. Hindi kaya nakinabang din si Paje? Dapat na sigurong magising ang Malakanyang na hindi bagay sina Paje at Jasareno sa pagtahak sa “tuwid na daan.”

oOo

Katulad ni Paje, iwas-pusoy rin ang hepe ng Manila Police District-homicide section na si Sr. Insp. Joey de Ocampo sa responsibilidad. Hepeng naturingan ito ng kanyang unit subalit kung sino-sino ang kanyang itinuturo na dapat kausapin kapag may puneraryang nais na magnegosyo sa kanyang nasasakupan.

Ginagamit pa niya ang anak ni Manila Mayor Lim sa kanyang kaungasan. Sa susunod na isyu ng Pakurot, ilalabas ang mga kaungasan ng hepeng ito na walang habas sa pagpatay sa  kriminal na kaya lang niya dahil nakaposas kapag itinutumba.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply