Nambababoy sa Subic Bay dapat parusahan

WALANG permit o clearance mula sa kahit anong Philippine government agency ang Glenn Defense Marine Asia para maghakot ng liquid hazardous waste mula sa mga barko at magtapon nito sa dagat o sa lupa.

Ito ang napatunayan sa ginanap na Technical Conference na ipinatawag ng Environmental Management Bureau (EMB) region 3 nitong Lunes (Nov. 12) sa main office nito sa San Fernando, Pampanga, sa pagitan ng SBMA Ecology, Glenn Defense Marine Asia at DENR EMB region 3.

Ito ang Totoo: nahaharap ngayon ang Glenn Defense Marine Asia sa alegasyong pagtatapon sa karagatan ng Subic Bay ng libo-libong tonelada ng hazardous liquid waste, kasama na ang dumi ng tao, na hinahakot nito mula sa mga barkong dumaraong doon.

Ayon sa usapan sa Technical Conference, kahit sa lupa o karagatan magtatapon ng dumi galing sa barko, kailangan may clearance, at sa kaso ng Glenn Defense, clearance mula sa Phil. Coast Guard ang kailangan dahil sa karagatan ang tapunan nito.

Paulit-ulit na sinambit ni LCdr. Roben N. de Guzman ng Philippine Coast Guard – Central Luzon sa Technical Conference at maging sa mediamen matapos ang conference na wala silang ibinigay na clearance sa Glenn Defense na magtapon ng waste at ni hindi ito nanghingi ng clearance.

Sinabi naman ni EMB R3 director Lormelyne E. Claudio, ayon  sa kanilang record, opisina lang ang inaplayan ng Glenn Defense na i-operate sa Subic Freeport kaya sila binigyan ng Certificate of Non-Coverage.

Ito rin ang nasa record ng SBMA Ecology Dept. kaya luma-labas, nag-ooperate ang Glenn Defense Marine Asia sa Subic ng taliwas sa lisensiya nito na pang-opisina lang bilang ‘husbanding agency.”

Para magawa nang ligal ng Glenn Defense Marine Asia ang paghahakot at pagtapon ng hazardous waste, dapat idineklara ito at ikinuha ng kaukulang lisensiya sa mga concerned govt. agency.

Hindi na dapat palawigin pa ang usaping ito at malaking katarantaduhan na idawit pa ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Contractor lang ang Glenn Defense at hindi bahagi ng U.S. Navy bagama’t malaking kahihiyan ang Glenn Defense Marine Asia sa U.S. Navy.

Malinaw na paglabag sa batas ng bansa at tanggap na international standards and ginagawa umano ng Glenn Defense kaya wala nang maraming ek-ek at patawan na ito ng karampatang kaparusahan. Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply