Si mayor ang carnap king ng Mindanao

Allan Encarnacion mano_mano web copy

MATINDI ang sakit ng ulo ng PNP sa carnapping  sa Mindanao area.

Hindi rin ako magtataka kung bakit ganoon na lamang ang tindi ng galit ni Davao City Vice Mayor Rudy Duterte sa isang Ryan Yu na sinasabi ng pulis na lider ng sindikato ng pagnanakaw ng mga sasakyan sa rehiyon.

Kung talagang gustong madakip ni Duterte si Yu, dapat talasan niya ang kanyang pakiramdam dahil ang balita natin, bata ito ng isang alkalde sa Region 13.

Ayon sa ating source, si Mayor ang totoong carnap king sa Mindanao region. Katunayan, ang karamihan sa mga luxury vehicle at utility vehicle na kanilang kinakarnap ay ipinagbibili sa mismong local government na pinamumunuan ni Mayor.

Matindi ang alkalde na ito dahil lahat ng kanyang pinakakarnap ay may sigurado nang buyer. Siya na ang nagpapakarnap, siya pa rin ang nagbebenta at siya pa rin ang signatory sa procurement bilang alkalde.

Karaniwang nakikita ang mga carnapped vehicle na ginagamit sa operasyon ng mga city hall department pero hindi napapansin ng mga pulis dahil red plate na. At ang matinding balita, ang ibang high-end na sasakyan na kinarnap ay ginagamit ni Mayor at ng kanyang misis.

Hayup ka, Mayor, baka ulo mo na ang palagyan ng yelo ni Duterte kapag hindi ka pa tumigil sa mga kalokohan mo! O, baka gusto naman ni Mayor ay murahin si DILG Secretary Mar Roxas?

***

Hindi na natutuwa si Pangulong Noynoy Aquino kay Customs Com-missioner Ruffy Biazon. Ang balita natin, pinasasakay na lamang ito sa balat ng mani dahil papalitan na rin pala siya sa susunod na taon.

Mismong mga taga-Finance Department ang nakukunsumi na kay Biazon dahil ngayon lang nangyaring dumanas ng pinakamalaking shortfall sa collection ang BOC.

Karaniwan na ang P10 hanggang P20 billion shortfall pero ngayong si Biazon na ang hepe, aabutin ng halos P60 bilyon ang kakapusan sa koleksiyon.

Ang akala ko naman, makakayanan ni Commissioner ang target collection dahil kung magpakain siya ng political supporters ng kanyang tatay na si Congressman Rodolfo Biazon sa Harbourview sa Quirino Grandstand ay ganoon na lamang. Ngayon lang ako nakakita ng politiko na kayang magpasara ng isang malaking bahagi ng Harbourview para sa campaigners gayung napakamahal kumain d’yan.

Iyong ibang pulitiko, sa mga mami house o kaya sa burger chain lang nagpapakain ng supporters pero ang mag-amang Biazon, sa Harbourview.

Kunsabagay, bigtime na si anak kaya puwede nang busugin si ama! Commissioner, enjoy mo na ‘yan dahil matatapos naman na ang maliligayang araw mo sa Customs.

***

Marami nang peligro ang naghihintay sa mga pasahero ng LRT at MRT kaya dapat maging alerto si DOTC Secretary Abaya. Kung may nasunog na coach nitong nakaraang weekend, tiyak na may mangyayari pa sa mga darating na araw.

Ayon sa ating source, bumagsak ang concrete parapet wall sa LRT line 1 na nasa pagitan ng Edsa at Libertad. Ang concrete parapet wall ay isang uri ng istraktura na proteksiyon sa balcony, bubungan o kaya’y terrace. Karaniwan natin itong nakikita sa gilid ng train stations para hindi mahulog ang mga tao o kaya’y hindi diretsong mahulog ang train kapag nadiskaril.

Ang tanong ngayon, bakit patong-patong ang nangyayaring problema sa LRT at MRT?

Produkto ba ito ng sabotahe o talagang kapabayaan lang ng management?

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply