Sotto puwedeng arestuhin – Cayetano

IPINAHAYAG ni Senate on Ethics and Privileges Chairman Alan Peter Cayetano na maaaring maaresto si Senate Majority Leader Tito Sotto kahit pa mayroon itong ‘immunity’.

Ito ang iginiit ni Cayetano matapos kasuhan si Sotto dahil sa ‘di umano’y ‘plagiarism’.

Nilinaw ni Cayetano na maaaring arestuhin ang sinumang senador at kongresista kapag wala na sa sesyon ang kongreso.

Nauna rito, humingi na ng paumanhin si Sotto, nang lumambot at nag-‘I am sorry’ sa pamilya ni dating US Sen. Robert Kennedy.

Inihayag ito ni Sotto sa kanyang privilege speech kahapon matapos sagutin niya ang inihaing ethics complaint laban sa kanya ng grupo ng ilang propesors at mga bloggers dahil sa diumano’y plagiarism.

Ayon kay Sotto, wala siyang intensyon na angkinin ang ilang linya ng speech ni dating US Senator Robert Kennedy na ginamit niya sa kanyang ‘Turno en Contra’ speech ukol sa Reproductive Health (RH) Bill.

Iginiit ni Sotto na hindi niya ninakaw o inangkin ang bahagi ng talumpati ni Kennedy at dahil sa tingin niya ay napaka-inspirational ito kaya’t ginamit niya sa kanyang ‘Turno en Contra’ speech.

Samantala, kinuwestyon ni Sotto kung bakit nagmula sa tanggapan ni Akbayan partylist Rep. Walden Bello ang media advisory hinggil sa ginawang pagpa-file ng ethics complaint laban sa kanya.

Malinaw, aniya, na mga Pro-RH Bill ang patuloy na nag-iisyu laban sa kanya ng plagiarism.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply