State visits ni PNoy, pinuna ni Bishop Cruz

PINUNA ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang madalas na pagbisita ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa iba’t-ibang bansa.

Matatandaang kamakailan ay binisita ni PNoy ang Russia, New Zealand, at Australia at ang pinakahuling destinasyon nito ay ang Laos.

Ayon kay Cruz, gaya rin si PNoy ng mga nagdaang Pangulo na madalas ipangalandakan na mapapaganda ang ekonomiya ng bansa at magdudulot ng maraming trabaho sa mga Filipino ang kanilang mga state visit, ngunit malaunan ay nauuwi rin sa wala ang mga pagbisita sa iba’t ibang bansa.

Ipinaalala rin ni Cruz na dati ay panay ang pintas at puna ni PNoy sa madalas na state visit ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit ngayong siya na ang nasa puwesto ay ganito rin naman pala aniya ang kaniyang gagawin.

Aniya, bagamat maraming lugar na dapat naman talagang puntahan ay hindi naman aniya nangangahulugang mismong ang pangulo ang dapat na magtungo roon dahil maaari naman siyang magpadala ng kaniyang ‘kanang kamay’.

Iginiit pa ni Cruz na mistulang lokohan na lamang ang nangyayari sa kasalukuyang administrasyon.

“Mayroong mga bagay na dapat naman talaga puntahan pero hindi naman talaga kailangan na siya. Ang dami naman ng nagpapadala ng kanilang mga right hand lamang,” ani Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Pero sabi ko nga, yan ang problema niyan, pintas ka ng pintas sa isa tapos ikaw rin pala ang gagawa. Tsaka laging sinasabi ng mga nagdaang pamunuan na maraming trabaho ang maidudulot nito at mapapaganda ang ekonomiya ng bansa pero wala eh. Tingin ba ay lokohan lang ito. Lokohan lang ito,” aniya pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply