Studes ng CSU, magtitirik ng 58 kandila sa paggunita ng Maguindanao massacre

INDANG, Cavite – Nakatakdang magtipun-tipon ang mga estudyante, lider-estudyante, at mga mamamahayag-pangkampus, sa pangunguna ng Kabataan Partylist-Cavite, sa ganap na alas-6 ng hapon, sa harap ng gusali ng Office of Student Affairs, bilang pag-alala sa ikatlong taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre, at pagkundena sa tila usad-pagong na pagtugon ng pamahalaang Aquino sa pagresolba sa kaso.

Tampok na bahagi ng programa ang pagsisindi at pagtitirik 58 kandila, sumisimbulo sa 58 biktima ng karumaldumal na pagpatay.

Matatandaang ika-23 ng Nobyemre noong 2009, kabilang sa walang-awang pinaslang ng mga puwersang paramilitar at private army ng politikong angkan ng mga Ampatuan, ang mga 32 mamamahayag, na magkokober sana hinggil sa nalalapit na eleksyon.

“Inaasahan naming ang 58 kanilang aming sisindihan ay magsisilbing paalala na habang hindi nabibigyan ng katarungan ang mga biktima ng Maguindanao Massacre, ay lalo lamang pinapatunayan ng pamahalaang Aquino ang kawalan nito ng interes na isulong at protektahan ang karapatan sa pamamahayag ng mga mamamayan,” ayon kay Laurence Edullantes, tagapagsalita ng Kabataan Partylist-Cavite.

Dagdag pa ni Edullantes, “Ang nangyari sa Maguindanao nitong 2009 ay hindi nalalayo sa nararanasan ng mga taga-Cavite. Kagaya sa Maguindanao, nakararanas din ng matinding kahirapan ang mga mamamayang Cavitenyo. Sa katunayan, hinaharap ng mga residente ng Talaba Coastal ang banta ng sunud-sunod na demolisyon para sa napipintong konstruksyon ng LRT, Roadnet, at R1 project ng gobyerno.”

“Sa Maguindanao, backhoe ang naglibing sa mga pinatay. Dito sa Cavite, backhoe naman ang kikitil sa kabuhayan ng mga residenteng nabubuhay sa pangingisda at pagtatahong,” pagwawangis ni Edullantes.

Magkakaroon ng programang may temang “Sa ikatlong taon ng Ampatuan Massacre, hustisya ang panawagan! Itaguyod ang karapatan sa pamamahayag! Ipaglaban ang karapatang pantao!” Kabibilangan ng mga kultural na pagtatanghal at pananalumpati ang programa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply