Tambalang PDEA at BoC, Bistek at Dela Vega wagi

pakurot

SA lengguwahe ng mga baklushi at  badinggerzi  wynona, bonggadera at wapak ang tambalan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) dahil sa ipinakikita ng mga ito na totohanang kampanya laban sa droga.

Ayon kina PDEA Director General Arturo Cacdac at Customs Commissioner Ruffy Biazon, hindi nila bibigyan ng pagkakataon na makapagkalat ng lagim ang mga taong may kaugnayan sa sindikato ng droga lalo na ang mga dayuhang nagsisilbing courier ng shabu at iba pang bawal na gamot.

Kaya naman mas lalong pinatindi ng PDEA at BOC ang kanilang koordinasyon at operasyon laban sa mga nagtatangkang magpuslit ng drora papasok at palabas ng bansa.

Bunga nito, ilang dayuhan na rin ang nasakote ng pinagsanib na puwersa ng dalawang ahensiya na ang mga pinuno at tauhan ay pawang may dedikasyon sa trabaho.

Kaya naman para sa maraming mamamayan, wagi ang tambalan ng dalawa at inaasahang mas palalakasin pa upang mas lalong maharang ang mga nagtatangkang magpalusot ng epektos na nakasisira ng buhay at kinabukasan ng mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan.

Masasabi ring wagi ang tambalan nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at QC Police District (QCPD) director Chief Supt. Mario dela Vega lalo na sa usapin ng kapayapaan at kaayusan.

Hindi nga ba’t bilang patunay na maganda ang kanilang samahan at suporta sa isa’t isa upang palakasin ang bawat tanggapan nila ay ang pagkilala ng National Capital Regional Police Office sa QCPD bilang best district noong 111th Police Service Anniversary habang ang QC government naman ay kinilala bilang Best City Government.

At paano naman kinilala ang mga ito? Sapagkat naging maayos ang presentasyon ng QCPD pagdating sa kapayapaan at kaayusan sa lungsod na naging posible dahil sa mga tulong pananalapi at suporta ng administrasyon ni Mayor Herbert Bautista.

Naibuslo rin ng QCPD ang best police station kung saan ang Cubao Police Station ni Supt. Ramon Pranada ang napili. Kaugnay pa rin ng husay ng mga tauhan ng Cubao Police Station, nasakote ng mga ito ang suspek sa pamamaslang sa isang talent ng ABS-CBN sa Cubao.

Hindi rin naman maitatanggi ang pagpapawis ng mga tauhan ni QCPD Homicide chief Insp. Elmer Monsalve na kaisa sa paglutas din ng kaso ng pamamaslang sa nasabing talent.

Kaya naman sa QC government at QCPD, ipagpatuloy pa ang nasimulang pagtutulungan ng pamahalaan at kapulisan upang maging tuloy-tuloy rin ang pananatili ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply