Tanod, 2 pa sugatan sa pamamaril ng akyat-bahay gang

akyat-bahay-gang

KRITIKAL ang kondisyon ng isang barangay tanod habang sugatan ang dalawa pa nitong kasamahan nang pagbabarilin ng mga armadong miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” na naaktuhan nilang ninanakawan ang isang bahay kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Kasalukuyang nakikipaglaro kay kamatayan sa Ospital ng Makati ang biktimang si Manuel Revillon, 47, barangay tanod ng Barangay Poblacion sanhi ng tama ng bala sa kanyang ulo habang sugatan din ang kanyang kapatid na si Romy na nahagip naman ng bala sa tiyan.

Ginagamot din sa naturang pagamutan ang tanod na si Dante Pangilinan sanhi ng tama ng baril sa braso matapos niyang tangkaing harangin ang mga patakas na suspect.

Batay sa inisyal na ulat na tinanggap ni Makati police chief Sr. Supt. Manuel Lukban, nakakuha umano ng impormasyon ang mga barangay tanod kaugnay sa nangyayaring nakawan sa isang apartment sa Quintos St., Barangay Poblacion dakong alas-2 ng madaling araw.

Kasama ang ilang mga pulis, rumesponde ang mga biktima sa lugar subalit habang nagsasagawa umano ng imbestigasyon sa loob ng pinasok na apartment ang mga pulis, nakita ng mga tanod ang pagtakas ng mga suspect kaya’t tinangka nilang harangin ang mga ito.

Kaagad namang pinagbabaril ng dalawang suspect ang mga humarang na tanod bago mabilis na tumakas patungo sa lugar ng Mandaluyong City.

Inaalam na ng pulisya kung may kasabuwat ang dalawang suspect sa loob ng compound na kanilang nilooban dahil bukod sa may sariling gate ang mga naninirahan, kabisado pa ng mga kawatan ang lugar kaya’t mabilis silang nakatalilis.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply