Transport group nagsagawa ng noise barrage sa Cubao

oil-deregulation

NAGSAGAWA ng noise barrage kaninang umaga sa Cubao, Quezon City ang mga kasaping tsuper at operators mula sa PISTON upang kondenahin ang panibagong oil price hike na pinatupad kahapon (November 27) na 70 sentimos sa diesel, 60 sentimos sa gasolina  at 50 sentimos sa kerosene.

Noong nakaraang linggo (November 20) ay nauna nang nagpatupad nang oil price hike na P1.15 sa gasolina at 25 sentimos sa diesel.

Binatikos din ng PISTON ang Dept of Energy (DoE) na nauna nang nagbitaw ng pahayag na ang dahilan umano  ng magkakasunod na pagtaas sa petrolyo ay dahil sa nagaganap na tensyon sa Middle East partikular ang pangdidigma ng Israel sa Mamamayang Palestino.

Binigyang-diin ni PISTON National President George San Mateo na ”panloloko at panlilinlang sa mamamayang Pilipino itong pahayag ng DoE. Nakabatay lang sa ispekulasyon ang pahayag ng DoE at hindi sa aktwal na kalagayan ng supply and demand sa produktong langis sa mundo. Nag-aapuhap na lang ang DoE nang iba’t ibang kadahilanan para lang mabigyang katwiran ang magkakasunod na pagtaas sa presyo ng langis na ipinapatupad ng kartel ng malalaking kumpanya ng langis.”

”Hindi naman sa Israel at Palestine nagmumula ang oil supply ng Pilipinas at hindi din doon dumadaan ang mga barkong may karga ng suplay ng langis. Kalakhan ng Oil Supply ng Pilipinas ay nagmumula sa Saudi Arabia. Kaya malaking kalokohan itong pahayag ng DOE para palusutin ang magkakasunod na oil price hikes gayong bagsak ang demand sa langis sa mundo sanhi ng matinding financial crisis na nararanasan ng Estados Unidos at sa Europa”, pagdidiin pa ni San Mateo.

Sinabi pa ni San Mateo na kasabwat ang gobyernong Aquino at DoE sa nagaganap na artipisyal at ispekuladong pagtaas sa presyo ng langis dito sa ating bansa dahil sa pagnanais ng administrasyong Aquino na lalong pataasin ang kinokolektang 12% VAT sa langis.

”Kasabwat ang gobyernong Aquino at DOE, ay sinisimulan na ng kartel ng malalaking kumpanya ng langis ang serye ng lingguhang pagpapataas sa presyo at pagpapatindi ng overpricing sa langis dahil nais nitong manamantala at kumita ng sobra-sobrang tubo sa darating na Christmas season na kung saan maraming mga mamamayan ang magbibiahe upang mamili at magbabakasyon sa mga lalawigan upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong paparating na Christmas Holidays,” paliwanag pa ni San Mateo.

Kaugnay nito, kinalampag ng PISTON si DoE Sec. Jericho Petilla na huwag matulog sa pansitan at sa halip magpakita ng pagkilos upang pigilin ang magaganap pang pagtaas sa presyo ng langis. Bukod pa dito, hinamon din ng PISTON si Petilla na irekomenda kay Pangulong Aquino ang pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law, pagpapatanggal sa VAT sa langis at pagbabalik ng Petron Corporation sa pag-aaring publiko.

Nagbabala si San Mateo na handa ang PISTON na magkasa ng mga serye ng mga kilos protesta upang kontrahin ang sunud-sunod na oil price hikes at upang ilantad ang patuloy na overpricing sa presyo ng langis.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply