Tropical depression sa Pasipiko, tropical storm na

pagasa

MULA sa tropical depression, isa na ngayong tropical storm ang namuong sama ng panahon na binabantayan sa karagatang Pasipiko at nagbabantang pumasok sa Pilipinas sa unang linggo ng buwan ng Disyembre.

Ang bagyong may international name na “Bopha” na papangalanan naman na “Pablo” sa oras na pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Batay sa ulat ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC), taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 85 kilometro kada oras.

Mabagal ang usad ng bagyo pakanluran habang tinutumbok ang Micronesia-Caroline Islands, papuntang Philippine area of responsibility.

Sa pagtaya ng Pagasa, kung hindi sa weekend ay papasok na sa karagatang sakop ng Pilipinas ang bagyo sa susunod na linggo.

Sa ngayon napakalayo pa ng bagyo para makaapekto sa Pilipinas, pero makakaranas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang Mindanao bunsod ng umiiral na intertropical convergence zone.

Habang lalong mararamdaman ang malamig na panahon tuwing madaling araw sa Luzon bunsod ng umiiral na cold front.

Maaliwalas naman ang kalangitan sa buong Luzon kabilang na sa Metro Manila at Visayas ngayong maghapon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply