Update: Magdyowang sabit sa pagpatay sa ABS-CBN talent, naghain ng not guilty plea

HINDI naghain ng plea sina Althea Altamerano at Fernando Quiambao Jr. kaninang umaga sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 223 kaya si Judge Caridad Lutero ang mismong naghain ng not guilty ang magnobyo kaugnay sa kasong pagpatay sa ABS-CBN part time talent at modelo na si Julie ann Rodelas .

Not guilty rin ang ipinasok na plea ni Jaymar Waradje.

Natuloy pa rin ang arraignment kahit tinangka ng kampo ng mga akusado na harangin ito sa pamamagitan ng omnibus motion to quash sa pagsasabing ilegal ang pag-aresto sa kanila dahil walang warrant of arrest.

Giit naman ni Lutero, na nakitaan ng probable cause ang kaso sa mga suspect kaya itinakda ang pagbasa ng sakdal.

Paliwanag pa ng hukom, ibang usapan ang paghahain ng mosyon para ipabasura ang kaso kumpara sa determination of probable cause na una nang pinagtibay ng hukuman.

Hindi naman nabasahan ng sakdal ang isa pang akusadong si Gelan Pasawilan sa kasong illegal possession of firearms and ammunition, dahil nakitaan ng butas ang dokumentong hawak ng prosekusyon.

Ayon sa kampo ni Pasawilan, hindi nakalagay sa referral ng police investigator ang mga sinasabing ebidensya katulad ng magazine ng baril at bilang ng live ammunition.

Hiniling nito na maisailalim sa re-investigation ang akusado na pinagbigyan naman ng korte.

Sa pagdinig, tinapos na rin ang preliminary conference at pre-trial na ikinatuwa naman ng prosekusyon dahil tanda anila ito ng mabilis na pag-usad ng kaso.

Sa Pebrero 12, 2013 na ang trial proper ng kaso.

Iniutos na rin ng hukom na mailipat sina Altamerano at Quiambao sa Quezon City Jail, habang mananatili ang dalawa pang suspek sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police sa Camp Karingal.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply