What’s happening to PNP, general?

bong_padua1

UMAAPOY sa galit ang ilang pulis sa Batangas hinggil sa sinapit nilang karanasan. Imbes kasi na sila’y parangalan, sermon ang inabot nila kay sir.

Ito ang kuwento: Sinalakay kamakailan ng police team ang bayan ng Lemery para hulihin ang mga makina ng video karera na nag-ooperate roon. 10 makina ng devil machines na kanilang nakumpiska ay dinala sa Batangas provincial command para imbestigahan.

Subalit sa gitna ng pagsisiyasat para alamin kung sino ang financier o operator ng naturang iligal na sugal, biglang tumawag ang kanilang superior. At ang order – ibalik ang mga VK machine na kanilang kinumpiska sa lugar kung saan nila ito kinuha. Wala silang nagawa kundi sumunod.

Dahil kung  sila’y ‘di susunod, baka sila’y matapon sa kangkungan. Ibig sabihin, baka sila’y italaga ng kanilang mga superior sa Mindanao. ‘Di katanggap-tanggap ang ganitong nangyayaring kabulastugan sa Philippine National Police, pero iyan ang katotohanan.

Sa mga pagtatanong-tanong natin, isang ‘Purisima’ raw ang nasa-likod ng lantarang operasyon ng devil machines sa lugar na ito ni Gov. Vilma Santos – Recto.

Nang marinig ko ang pangalang ‘Purisima’, hindi naiwasang sumagi sa malikot kong isipan si incoming PNP chief  Dep. Dir. Gen. Allan Purisima.

Lalo’t ang kanyang pangalan ay malimit banggitin ng VK lord na ito kapag sinasalakay ang mga puwesto ng kanyang mga devil machine. Hindi masabi ng mga nagsumbong sa ating mga pulis kung ano ang relasyon nitong si VK operator Purisima’ kay  Dep. Dir. Gen. Purisima.

Pero ang ‘di maitatatwang katotohanan, ito’y napakalakas dahil nauutusan ang kanilang mga superior na isauli ang kanyang mga nakumpiskang VK. 500 na VK ang nakakalat sa buong Lemery, partikular sa  Barangay Magui-han, Sanggalang, Wawa, Pala-nas, District 1 at District 4.

Kung sabagay, hindi lang sa mga pulis-Batangas nangyari ang gawaing inuutusan ng mga PNP official ang subordinate na nanghuhuli ng sugal. Sa buong Pambansang Kapulisan, kumbaga – cancer na ang ganyang ugali ng maraming police official, lalo’t ang nagrereklamo ay mga iligalista.

Sa kasalukuyang panahon, matimbang ang pagtitinginan ng mga PNP official, gambling lords, drug lords at smuggling lords.

What’s happening to PNP, Mr. General? Iyan ang tanong na siguradong nakatanim sa maraming sumusubaybay sa nangyayari sa kapulisan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply