Yuchongo ng BoC matatag, ‘di matibag

MUKHANG matitibag ang ating paghanga sa tatlong magigiting na kinatawan ng bayan — tameme pa rin sila, walang magawa kontra sa isang BOC official na noo’y nasibak pero naibalik sa puwesto sa tulong ng “midnight resolution” ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Aba’y sina Reps. Neil Tupaz (Iloilo), Neri Colmenares at Teddy Casiño (Bayan Muna) mismo ang nagbigay sa atin ng dahilan upang pagdudahan na ang kanilang kakayahan.

Kasi’y sila naman itong nangalandakan na igigisa kuno nila ang mahiwagang pagpapabalik ni Gutierrez dito kay Joey Yuchongco sa Customs.

E sino ba itong si Yuchongco?

Si Yuchongco ang inilusot sa kaso ni Gutierrez at pagkatapos ay naglabas ng pasya na maibalik sa kanyang posisyon sa BOC bago pa nagbitiw si Aling Mercy bilang Ombudsman para makaiwas sa pagpapatalsik sa Senado.

Bakit ba ito ginawa ni Gutierrez? Kasi’y tapat na kampon ni dating First Gentleman Mike Arroyo sa BOC si Yuchongco. Si Mercy at Mike ay magkaklase naman sa Ateneo.

Ang tawag nga nina Tupaz, Colmenares at Casiño sa hakbang na ito ni Gutierrez ay “midnight resolution.” Nagpatawag sila ng pagbusisi sa Kamara ukol sa usaping ito pero hanggang ngayon ay walang nangyayari. Kaya tuloy ngayon, napagdududahan ang tatlong kongresista na magagaling lang lumikha ng ingay pero mahina naman sa pagkilos.

Hindi natin personal na kakilala itong si Yuchongco pero batay sa mga naglabasan nang balita, sinipa na siya sa BOC noon dahil sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act — ngunit nakabalik lang dahil sa mapagpalang desisyon ni Gutierrez.

Tama lang talaga na napaalis na sa Ombudsman si Gutierrez dahil na rin sa  kanyang mga pinaggagawa. Mantakin na si Yuchongco ay sinuspinde dati sa BOC at ibinasura pa ng Court of Appeals (CA) ang kanyang apela dahil malakas ang katibayan kontra sa kanya pero sa kumpas ng mapagpalang kamay ni Gutierrez ay binaligtad ang naunang desisyon ng Office of the Ombudsman.

Masyado raw namunini sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo itong si Yuchongco at hanggang ngayo’y namumunini pa rin sa administrasyon ni PNoy. Ano ba naman ‘yan?!

Maraming taga-Customs ang hindi masikmura ang pagkakabalik muli ni Yuchongco sa puwesto dahil nga sa siya ay may record na sa pagpapayaman habang nasa poder.

Hindi ba’t ayaw ni PNoy sa mga taong ganyan lalo’t batid na nagsamantala lang ito sa panahon ni GMA? Kung totoong gusto ni PNoy ng “honest-to-goodness” na paglilinis sa mga kawatan sa gobyerno, bakit nakabalik sa BOC ang isang tao na kaduda-duda na ang mga gawain?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply