11 anyos nabaril sa hita, parak inireklamo

MPD-HeadQ

INIREKLAMO ng isang 11 taong gulang na batang lalaki ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nagpaputok ng kanyang baril sa Tondo, Maynila.

Personal na nagtungo ngayon sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section kasama ng kanyang ina ang biktimang si John Michael, residente  ng 401-B Int.43 Perla St., Tondo, Maynila upang pormal na sampahan ng reklamo ang suspek na si PO1 Allan Ruiz ng 1489-B Franco St.,Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2  James Poso sa biktima, naglalakad ang biktima sa may Perla-A St., patungo sa isang tindahan nang makarinig ito ng sunod-sunod na putok ng baril.

Dahil sa pag-aakalang paputok lamang ito ay hindi nito pinansin at nagpatuloy sa kanyang paglalakad hanggang sa mapansin niyang butas na ang kanyang short  at may umaagos na dugo sa kanyang kanang hita.

Sa takot ay nagtatakbo ito pauwi sa kanilang bahay kung saan dinala naman ito ng kanyang ina na si Cristina Agao sa Jose Reyes Hospital upang magamot.

Nabatid na lasing umano si PO1 Ruiz nang magpaputok ito ng baril. Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang  6 na basyo ng 9mm kalibre ng baril at isang 9mm live ammunition ng nasabing kalibre.

Ayon naman sa inang si Cristina,  agad silang naghain ng reklamo sa MP-Station 1 nang maganap ang insidente noong Disyembre 8, ngunit hanggang ngayon ay wala umanong nangyayaring progreso sa kaso at hindi pa rin nakukunan ng forensic ballistic examination ang baril na ginamit ng suspek.

Dahil dito, nagpasya na ang ginang na dumulog sa tanggapan ng MPD-GAS  upang agad na maaksyunan ang reklamo laban kay PO1 Ruiz.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply