11,000 pares naikasal ni Recom

UMABOT sa 11,000 pares ang naipag-isang dibdib ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri simula nang manungkulan itong alkalde sa mga ginanap na Kasalang Bayan na idinadaos kada taon mula noong 2004.

Ayon kay Echiverri, dahil sa mga ginanap na Kasalang Bayan ay maraming mga mag-asawa na hindi pa naikakasal ang naging legal ang pagsasama na siya ring naging dahilan upang maging lehitimo ang kanilang mga supling.

Aniya, ang pinakahuling kasalan na ginanap ay nitong February 2012 kung saan ay umabot sa 1,500 na mag-asawa ang naging legal ang pagsasama kung saan ay sinagot din ng lokal na pamahalaan ang gastos sa pag-aayos ng papeles ng mga ito maging ang birth certificate ng kanilang mga naging anak.

Sinabi pa ng alkalde na sa kasalukuyan ay ang kanyang pinamamahalaang lungsod ang may hawak ng “record” sa pinakamaraming pares na ikinasal ng libre sa isang okasyon sa buong bansa.

Bukod din sa kasalang bayan ay nagdaraos din ng “Islam Mass Wedding” si Echiverri na layuning maging legal ang pagsasama ng mga mag-asawang Muslim na nakatira sa naturang lungsod.

Napag-alaman pa mula sa alkalde na ang “Islam Mass Wedding” na ginanap sa naturang lungsod ang pinakaunang kasalang bayan para sa mga kapatid nating Muslim sa buong bansa.

Inaasahan din ni Echiverri na muli pang madaragdagan ang bilang ng mga pares na ikinakasal dahil sa tuwing sasapit ang anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod sa buwan ng Pebrero ay nagsasagawa ng kasalang bayan ang lokal na pamahalaan na dinadaluhan ng mahigit sa libong magkapareha.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Echiverri kay Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri dahil sa patuloy na pakikipagtulungan nito sa proyektong ito ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan na rin ng mga opisyal ng barangay sa buong lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply