2 miyembro ng hold up gang sa UV Express, nakalaya na

NAGBABALA ang pamunuan ng Paranaque City Police sa publiko partikular na sa mga pasahero na mahilig sumakay sa mga kolorum na UV Express makaraang pansamantalang makalaya ang dalawang miyembro ng “UV Express Robbery Hold-up group”.

Ayon kay Parañaque Police Intelligence head, Chief Insp. Ferjed Torres, nakalaya ang mga suspek na sina Arden Manal, 24, ng Casoy Uno, Antipolo City at Red Marlon Guarino, 23, ng Brgy. Ramon Cruz, GMA, Cavite matapos makapagpiyansa ang mga ito sa Paranaque Prosecutor’s Office. Nahuli ang dalawa noon pang buwan ng Oktubre.

Ayon kay Torres, tanging robbery lamang ang kasong isinampa sa mga suspek na “bailable”.

Isa pang suspek na si Ludy Dagupioso, 58 ng Sto. Nino, Paranaque, ang posibleng makalaya rin dahil sa inaasikaso na nito ang kanyang piyansa.

Bukod sa mga ito, tatlo pa nilang kasamahan na kasama sa 10 naaresto ng Paranaque Police noong Oktubre ang una nang nakalaya nang hindi masampahan ng kaukulang kaso dahil sa iniimbestigahan pa ang kanilang kaugnayan sa krimen.

Tanging ang lider na si Ritchie Cahinta at dalawa pang kasama ang hawak ngayon ng mga awtoridad.

Kabilang sa mga naaresto noong Oktubre sina Princess Leosa, 20, ng Brgy. Lumbreras, GMA, Cavite; Almario Rentillosa, 40, ng Fourth Estate Subd., Paranaque; Luiz Bondoc, alyas Kingkong, 39, ng Payatas, Quezon City; Ronelyn Consorte, 20, ng Brgy. San Roque, Antipolo; Jonnalyn Sarmiento, 20 at Janice Brillatica, 28, ng Holy Spirit, Quezon City.

Sa monitoring ng Paranaque Police, dalawang pasahero ng magkaibang UV Express ang nabiktima ng mga holdaper sa Pasig City kamakalawa ng gabi ngunit hinihinalang ibang grupo ang may kagagawan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply