41 kandidato idineklarang ‘nuisance’ ng Comelec

comelec

IDENEKLARANG nuisance o panggulong kandidato ng Commission on Elections (Comelec) ang may 41 lokal na kandidato sa iba’t ibang lugar sa bansa na nais na tumakbo sa 2013 midterm polls.

Alinsunod sa Minute Resolution 12-1101, sinabi ng Comelec en banc na kabilang sa mga idineklarang nuisance candidates ay anim na aspirants para sa pagkakongresista, tatlong gubernatorial bets, 21 na tumatakbo sa pagka-alkalde, apat na vice mayoralty candidates, anim para sa Sangguniang Panlungsod/Bayan, at isa para sa Sangguniang Panlalawigan.

Sinabi ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle na pagkatapos makapaghain ng kandidatura ay pinag-aaralang mabuti ng poll body ang mga kuwalipikasyon ng mga taong naghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC).

Sa sandaling matukoy na hindi kuwalipikado ang mga ito at makakagulo lamang sa eleksiyon ay tinatanggal at dinidiskuwalipika ang mga ito ng Comelec.

Batay sa Comelec Resolution No. 9523, ang isang nuisance candidate ay yaong naghain ng kandidatura upang gawin lamang katatawanan ang halalan o ‘di kaya’y upang lumikha ng kalituhan sa mga botante.

Nabatid na ilan sa mga nakitang dahilan ng Comelec sa pagdiskuwalipika sa mga naturang kandidato ay ang pagsasalita ng ilan sa mga ito ng mag-isa, pag-angkin ng isa sa Pilipinas, hindi pagsunod sa mga panuntunan ng Comelec tulad na lang nang paglalagay ng 1X1 picture sa COC sa halip na 2X2 picture na siyang required, mali-maling impormasyon na inilalagay sa COC, pagsasabing mayroon siyang supernatural powers, paghiling na maglagay ng ‘weird’ na pangalan sa balota, at iba pa.

Nilinaw naman ng Comelec na binibigyan pa rin nila ng pagkakataon ang mga naturang kandidato na i-justify ang kanilang kandidatura, tatlong araw matapos na matanggap ng mga ito ang kopya ng naturang resolusyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply