AFP alaga ni Pangulong Noynoy

afp-officers

HINDI na magtataka si Pangulong Benigno Aquino III kung sa susunod na taon ay pagbintangan siya ng kanyang mga kritiko na ini-spoiled niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Iyon ay dahil sa sobrang alaga niya sa mga sundalo kung saan ay mula sa pagiging kawawang cowboy ay itinulak niya ang AFP bilang mas moderno’t mas maaasahang tanggulan ng bansa matapos niyang lagdaan ang New AFP Modernization Act.

Sa katunayan ay mahigit P28 bilyong piso ang agad niyang inilaan para sa AFP Modernization Program sa loob lamang ng isang taon at 7 buwan.

Bukod dito ay dumaong na ang BRP del Pilar, at paparating na rin aniya ang BRP Alcaraz at ang mga Hamilton class cutters. Nagkaroon rin aniya ang mga ito ng BRP Tagbanua, ang kauna-unahang landing craft utility na gawang Pinoy.

Nariyan din aniya ang 21,800 na bahay na itinayo para sa mga pulis at kasundaluhan, at ang karagdagang 31,200 na kabahayan pa na inaasahan ng Pangulong Aquino na makumpleto sa Agosto 2013, hindi lang aniya para sa mga pulis at sundalo, kundi pati na rin sa mga bumbero at kawani ng BJMP.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na dahil sa sakripisyo ng mga sundalong ito ay makakaasa pa rin ang mga ito ng patuloy na suporta ng pamahalaan at sambayanan.

“Gusto ko lang hong pagdiinan, ‘yang proyekto pong ‘yan ay nagmula sa kunsultasyon sa inyong hanay nang kami’y nagtanong, “Paano bang mapapadama sa inyo ‘yung pag-aaruga at pagmamahal, pagkalinga ng sambayan?” Iyan po ang naging resulta ng proyekto,” aniya pa rin.

Sinabi pa rin niya na walang ibang paglalaanan ng P75 bilyong pisong pondo sa susunod na 5 taon kundi para sa mga bagong kagamitan at kinakailangang kasanayan ng Sandatahang Lakas.

Ibig aniyang sabihin, tapos na po ang yugto kung saan puro “Air” at walang “Force” ang Hukbong Himpapawid: Ihanda na ang tarmac para sa mga bagong eroplanong babagwis sa ating papawirin. Tapos na rin po ang araw kung kailan mas pinangangambahan po ng Hukbong Dagat ang tetanus mula sa mga kinakalawang na barko kaysa sa mga banyagang umaangkin sa ating teritoryo; ihanda na po ang mga daungan para sa mga moderno’t dekalidad na barko ng Navy na magtatanggol sa ating mga baybayin. Panahon na rin para magretiro ang mga antigong trak ng Hukbong Katihan; hindi magtatagal, mas mabibilis at mas makabagong mga tangke, trak, at ambulansya ang inyong sasakyan, ‘yong iba po ay nandiyan sa gilid natin. Siyempre mas de-kalibreng armas at force protection equipment ang gagamitin ninyo upang ilayo sa panganib ang mga Pilipino. Ituring po ninyong maagang aguinaldo ang mga itong nagmula, hindi lamang sa akin, kundi lalong lalo na, sa sambayanang Pilipinong nag-uumapaw pa rin ang tiwala’t kumpiyansa at pagpapasalamat sa inyong lahat,” lahad ng Chief Executive.

Samantala, tiniyak ng Pangulong Aquino ang unti-unting pagbangon ng ilang bahagi ng Visayas at Mindanao na sinalanta ng bagyong Pablo.

Habang tumatanaw aniya ang pamahalaan ng malaking utang ng loob sa bawat kawal na nakibalikat sa panahon ng sakuna ay nakiusap itong huwag limitahin ang kaya pang magawa ng kasandaluhan.

“Huwag sana tayong makuntento sa kung ano ang kaya nating iambag pagkatapos lamang ng sakuna; sa halip, tumutok tayo sa kung ano ang kaya nating gawin bago pa man ito sumalanta. Ibig sabihin, bago pa man madapa ang ating mga kababayan, dapat ay nakahanda na tayong pigilan ang kanilang pagbagsak at isinagad natin ang lahat ng ating makakaya para maiwasan ito. Sumadsad man siya, nakaposisyon na dapat tayo para mabatid niyang hindi po siya nag-iisa; na katuwang niya ang buong kasundaluhan para gamutin ang tinamo niyang sugat; na handa tayong maging saklay para sa kaniyang pagbangon; na handa tayong manatili sa kaniyang tabi hanggang mula sa paghilom ng kanyang mga sugat; hanggang sa kaya na niyang tumayo sa sarili niyang mga paa,” anito.

At sa pagsalubong aniya ng lahat sa bagong taon ay sinasalubong din ang mga bagong pinuno’t opisyal; mga kawal na umangat ang ranggo, hindi dahil sa palakasan o padrino, kundi dahil sa disiplina, dedikasyon sa katungkulan, at katapatan sa bandila.

“Sumasalamin rin ito sa paninindigan nating magtalaga ng mga sundalong patuloy na tutupad sa mandato ng AFP: ang ipagtanggol ang bansa at ang paglingkuran lamang ang kaisa-isa nating mga Boss—ang taumbayan; wala na pong iba. Sa lahat ng kawal na Pilipino: Pangalagaan ninyo ang mahabang tradisyon ng karangalan, katapatan, at malasakit ng Sandatahang Lakas. Huwag kayong lilihis sa tuwid na daan; manatili kayong kakampi’t takbuhan ng nangangailangan; manatili kayong bayani’t tagapagligtas ng taumbayan,” ani Pangulong Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply