Ano ang bago?

inton

NOONG mga bata pa tayo, kapag Pasko dapat kahit papaano may bago. Bagong damit, bagong sapatos at kung ano-ano pa. Dala-dala na ang nakagawiang ito ng mga Filipino ng kahit anomang edad. Pero ang ilan sa atin, medyo nagiisip-isip minsan.

Ano ba ang bago sa atin ngayong Pasko. Marami ang nakapapansin na commercialized na raw masyado ang Pasko kaya sobrang dami ang tao sa mga mall kapag ganitong panahon para mamili ng regalo at magdiwang sa mga restaurants.

Pero nitong huling mga araw bago ang linggo ng Pasko, may napansin akong mga bago. Una sobrang init na akala mo summer. Bago ito kasi dati kapag ganitong panahon ay malamig na ang simoy ng hangin kaya naglalabasan ang mga itinago nating mga panlamig.

Bago rin para sa ilang nagkwento sa akin na para raw walang masyadong tao sa mga mall, hindi katulad noong nakaraang mga Pasko na hindi halos mahulugan karayom ang siksikan ng mga mamimili.

Marami rin kasing nangyari kamakailan lang, tulad ng bagyo sa Mindanao na hanggang ngayon ay iniinda pa ng marami nating mga kababayan.

At medyo mahirap talaga ang pera ngayon kaya siguro tipid din ang mga Pinoy. Maganda naman ang magtipid, simple lang na selebrasyon, basta masaya at sama-sama, okay na.

Mabuti naman at lumabas ang ulat noong isang araw na hindi raw tayo nawawala sa mga bansa sa mundo na may mga pinakamasayang mamamayan.

Nakatutuwa na kahit siguro nagtitipid ang marami sa atin ay hindi nawawala ang natural nating pagiging masayahin. Masayahin talaga ang mga Pinoy at dahil ito sa malalim na tiwala natin sa Panginoon.

Kaya tuwing may nakakausap ako, gusto kong malaman kung ano ang bago sa kanila ngayong Pasko.

May iba na masaya at excited sa mga bago sa kanilang buhay, may iba na may lungkot at takot din naman.

Ngayong Pasko, bigyan natin ng panahon ang pagmumuni-muni. Kung ano ang bago sa buhay natin, ano ang bago sa mundo. Ano ang dapat nating baguhin para mas gumanda at sumaya tayo.

Ang simbolo ng batang Hesus na ipinanganak sa sabsaban ay simbolo ng simple at tunay na kaligayahan at pagmamahalan, na mismong mensahe ng Pasko.

Siyasatin natin ang ating mga puso sa kung ano ang luma na dapat nang maging bago ngayong Pasko.

Maligayang Pasko sa lahat – ariel.inton@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply