Ano ba talaga, Sixto Jr.?

baletodo

NANG ihiyaw sa buong bansa ang balak ng Commission of Elections (Comelec) na lilinisin nila ang listahan ng partylist representation, isa ang Baletodo (sa radyo at dyaryo) sa agad nagbigay-suporta sa mga Komisyoner ng ahensiya. Matagal na ang panahon na isinisigaw natin sa madla na mali  sa dilang mali ang takbo ng partylist representation batay na rin sa itinadhana ng ating 1987 Constitution.

Sa mga unang araw ng paghataw, sinibak agad ang AKO BICOL, APEC at sunod-sunod na.

Tama pa rin ang galaw ng Comelec. Lalo na nang sabihin mismo ni Chairman Sixto Brillantes na marami pa ang susunod sa mahigit 200 rehistrado na at yaong mga naghahabol pa. At nangyari nga ang sibakan blues.

Natural na maghabol ang tinanggal at nagtungo sa Korte Suprema. Iyon ang malungkot na bahagi ng “paglilinis” ng partylists. Kinatigan ng Korte ang hirit ng unang apat sa pangunguna ng Ako Bicol, Apec at 2 pa. Gayundin ang nangyari sa ibang grupong “winalis” na ngayon ay sakit sa ulo ni Sixto Jr. Kasali pa ba?

Nagkagulo pa nga ang ilang magkabanggaan na partido – ang Akbayan at Anakbayan dahil sa postura ng dalawang grupo. Ang masakit lang, ito palang una ay sobra na ang yaman, idagdag pa ang “donasyon” ng magkakapatid na Aquino na hindi bababa sa P4 milyon! Marginalized sector na pala ang milyonaryo?

Okay, sa bandang huli, 100 na lang daw ang tinanggap nila para tumakbo sa eleksyon 2013. Humingi tayo ng kopya, patago nga lang at heto ang resulta. 30 sa tatakbong partylists ay maihahanay sa epal na, political dynasty pa. Sila yung halos buong pamilya at angkan ay pinayagan ng Comelec na tumakbo sa kabila na ang mga ito ay hindi maihahanay sa tinatawag na “marginalized sector” o mga sektor na maralita at walang pagkakataong magkaroon ng tunay na representasyon sa Kamara de Representantes para maisulong ang kanilang maralitang kalagayan sa buhay.

At katulad ng sinabi ni chairman Brillantes, “hindi maaaring isama ang AKO BICOL dahil sa titulo pa lang ng kanilang partido ay malinaw na malayo sa tinuhog ng Konstitusyon na pangmaralita at hindi panggrupo lamang. Ang sabi ni Sixto Brillantes Jr, “regional party ito” o rehiyonal na malayo sa layunin ng partylists.

Kung ganoon ang kanyang pananaw at mga kauntugang Komisyoner, G. Sixto Jr, sir, ano ang pagkakaiba ng Ako Bicol sa AN WARAY, ANAK MINDANAO, KABAGIS  at iba pa na malinaw pa sa sikat ng araw na pawang samahang rehiyonal din naman?  Kung sa palagay mo ay mali tayo, ano ang tawag mo sa mga grupo na iyan? May masangsang na amoy na sumisingaw sa Comelec!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply