Bantay salakay at mandaraya sa bigas

benny antiporda

ILANG tulog na lamang ay Pasko na.

Kapansin-pansin ang grabeng pagbigat ng trapiko lalo na sa Metro Manila.

Siyempre pa, makilos ang maraming mamamayan at pinagkakaabalahan nila ang pamimili ng kahit kaunting palatandaan na mahalaga sa kanila ang Pasko.

Sila ang pinagmumulan ng mga trapik sa lansangan.

Ngunit makilos din ang mga negosyante na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan na naniniwala at nakikiisa sa Pasko.

Ang mga sasakyang gamit ng mamamayan at negosyante ang talaga namang nakapupuno ng mga kalsada.

Pero marami na rin ang mga galing sa mga lalawigan para dumalaw sa mga nasa Kamaynilaan.

Iba kasi ang saya sa kalunsuran sa saya na nararamdaman sa mga kanayunan.

Saka na lang maglalayasan ang mga nasa kalunsuran patungong kanayunan pagdating ng bakasyon.

Lahat ng ito ay nakabibigat sa trapiko.

TIGIL PROYEKTO

Gumagawa na ng hakbang ang Metro Manila Development Authority, ang Department of Public Works and Highways at ang mga pamahalaan lokal para maibsan ang trapik.

May programa silang tigil-proyekto sa mga lansangan.

Pero ang napapansin natin, mga Bro, ang daming mga harang sa lansangan na kaugnay ng Maynilad at Manila Water.

Marami pa ngang walang warning sign sa mga ito na dapat ilang metro ang layo mula sa mga tumatakbong sasakyan.

Mabubulaga ka na lang sa mga harang nila na naroon na mismo sa site ng kanilang mga proyekto.

Mayroon ding hukay ang mga ito na hindi nasemento at nasasaldak ang mga sasakyan pag-apak sa mga ito.

Hindi ba dapat na isama ang mga proyektong ito sa mga dapat na patigilin?

BANTAY SALAKAY

May napansin lang tayo, mga Bro.

Ang sisipag ang mga police patrol, traffic enforcer at iba pang nangangalaga sa mga lansangan.

Pero mababagal ang mga ito sa pagpapatakbo ng trapiko.

May napansin lamang tayo na roon sila mabilis: ang manghuli sa mga traffic violator umano.

Kinukuyog pa ng mga ito ang kanilang mga hinuhuli at istayla Hitler ang marami sa mga ito.

Parang masusungit silang Diyos kapag kinausap mo sila at kuwestiyunin ang kanilang mga panghuhuli, kasama ang kanilang mga “fishing expedition.”

Hindi lang yan.

Pinapara nila ang lahat ng sasakyan na makursunadahan nila bilang pagtsetsek daw nila kung malilinis ang papeles ng mga sasakyan.

Dito na pumapasok ang fishing expedition sa papeles, marka o prangkisa ng mga sasakyan, lisensya ng driver at marami pang iba.

NANINIKET KAAGAD

Naniniket agad ang mga bantay-lansangan.

Pero kung titingnan mo ang nasa likod ng kanilang sipag na maniket, yun pala, gusto nilang makaipon ng pang-Noche Buena at Media Noche.

Itong mga bantay-salakay ay hindi basta pala kumikilos nang nagsasarili.

‘Yun pala, may quota ang mga ito mula sa kanilang mga superior.

Itong mga superior pala, mga Bro, ang nagtutulak sa mga tauhan nila na mangotong ng ligal para may Pamasko sila at dinaraan ang regalo nila sa pagpapahirap sa mga motorista at mamamayan.

SALUDO KAY BIAZON

Sana ipagpatuloy pa ni Mr. Biazon ang pagtuligsa sa mga walang kaluluwa na nagdadala ng droga saa ting bansa at mabawasan ang grabeng krimen na epekto nito sa mamamayang Filipino. Congrats, Mr. Raffy Biazon. Sana humaba pa ang buhay n’yo. 0905732….

INCREASE SA AFP RETIREES

Good am, Sir Benny. Pakikalampag lang ang GFQ Finance. Kailan nila ibibigay ang increase sa AFP retirees para maligaya naman ang Pasko namin? 0905206….

PEKENG BIGAS AT TIMBANGAN

Sa kasalukuyan, isa ang pekeng timbangan sa mga nagpapahirap sa nakararaming mamamayan. Kaya gisingin natin ang Department of Trade and Industry. Ang daming pekeng kiluhan na imbes na nagtatadhana ng isang libo’ng gramo o isang kilo ay hanggang 800 gramo lamang ngunit nababayaran ang para sa 1,000 gramo. Ang isang kaban na bigas o feeds ay dapat 50 kilo pero naglalaro lamang ito sa timbang na 40 hanggang 45 kilo.

Ang Bigas na ibinebenta nila ay hindi tama ang variety dahil hinahaluan nila ang mga magagandang klase ng bigas mababa ang klase. Malawakang ginagawa ito sa mga probinsiya ng Quirino at Cervantes sa Ilocos Sur, Isabela, Cagayan, Nueva Ecija, Nueva Viscaya, Central Luzon at Pangasinan. Kawawa naman ang ating mga kababayan sa ganitong mga sistema.

Ang presyo pa nila ay pumapalo sa P2,000 hanggang sa P1,800 kada kaban ng bigas. 0920823….

BARANGAY NAPAG-IIWANAN

Sir Benny, pakipukaw po sana ng atensiyon ang mga opisyalis ng aming barangay rito sa Wawa, Tanauan, Batangas. Napag-iiwanan na po ng mga kalapit baryo dahil po sa mga kurakot. Don’t publish my number. 0928751….

DYNASTY AT MASAKER

Dapat na isakatuparan ang pag-alis ng political dynasty para ‘di na maulit ang Mindanao massacre. Kung wala nito, ‘di magagawa ito ng mga Ampatuan. 0917906….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply