Biazon walang sawa; Bartolome gumawa ng tama

pakurot

TALAGA namang walang tigil itong Bureau of Customs sa pangunguna ni Commissioner Ruffy Biazon sa paghihigpit sa pagpasok ng mga kontrabando sa bansa lalo na ngayong nalalapit hindi lang ang Kapaskuhan kundi maging ang halalan.

Akalain ba namang mahagip pa ng mga tauhan ng BOC ang bahagi ng puslit na kargamento na naglalaman ng 10 barrel ng M-14 rifles sa Central Mail Exchange Center sa
Pasay City.

Noong nakaraang linggo, naunang nasamsam ng mga tauhan ni Biazon ang may 20 barrel ng M-14 na idineklarang mga tsokolate at libro na nakalagay sa maliliit na kahon mula sa Orlando Florida, USA na dumaan sa post office na ang consignee ay isang Jaydi Miranda ng Old Sta. Rita, San Miguel, Bulacan.

Ang mga nakumpiskang epektos, ayon kay Miranda, ay ipinadala ng isang nakilalang
Jovit Cruz.

Naging matindi ang mga tauhan ng BoC kaugnay sa puslit na kargamento lalo na sa baril dahil alam nilang posibleng magamit ito sa karahasan sa halalang 2013.

Kaya naman nagbabala na si Biazon sa smugglers na tigilan na ang kanilang mga iligal na gawain at sa halip ay magdeklara kung ano ang totoo sa kanilang kargamento upang hindi na sila mas lalong magastusan kapag nahuli.

Ayon kay Biazon, tama lang na magbayad ng tamang buwis ang mga negosyanteng nagpaparating ng mga kargamento dahil napupunta naman ito sa kaban ng bayan. Hindi katulad kapag nagpapalusot sila, pinayayaman nila ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng customs.

Hindi magsasawa si Biazon at mga tauhan na ngayon ay tumatahak sa “tuwid na daan” sa pagtugis sa mga manlolokong nagpupuslit ng mga kontrabando.

oOo

Sa Martes, lalabas na sa serbisyo si Philippine National Police chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome at papalitan ni Deputy Director General Alan Purisima.

Sana, bago magretiro si Bartolome ay maitama nito ang pagkakamaling nagawa na ipatapon sa Mindanao ang mga pulis na kolektor ng ilang tanggapan ng pulisya sa Metro Manila.

Kawawa ang mga pulis lalo na ang kanilang pamilya na ginawang ‘sacrificial lambs’ ng Camp Crame at Department of Interior and Local Government nang ipatapon sa napakalayong lugar bilang parusa sa kanilang pangongolekta ng ‘tong’ para sa kanilang mga opisyal.

Bakit hindi ang mga opisyal na nagpapakolekta ang kanilang itapon? Maliit lang ang pakinabang ng non-commissioned officers na kolektor kaysa sa mga hepe na nagpapakolekta ng libo-libo hanggang milyon-milyong piso.

Common-sense ang gamitin.

Sa pagkakatapon ba sa Mindanao ng mga pulis na kolektor, nawala ba ang koleksyon at iligal? Hindi ba’t tuloy-tuloy pa rin dahil pinalitan lang ang mga naisakripisyong kolektor?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply