Biyahe ng 26 na kongresista US, binira ng grupong Kadamay

KINONDENA ng grupong Kadamay ang napabalitang 26 na mambabatas ang nagtungo sa Estados Unidos para manood ng laban ni Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa darating na Linggo.

Ayon sa grupo, liban sa napakaraming gawaing maiiwan ng mga mambabatas sa Kongreso, nasa gitna umano ngayon ang bansa ng pagluluksa para sa higit sa 300 nating kababayang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Pablo, habang ilang daan pa ang kasalukuyang nawawala.

Sa halip na gumastos umano ang mga mambabatas ng libu-libong salapi para sa pamasahe patungong Estados Unidos, mas makakabuti kung ilalalaan na lang ng 26 na mambabatas ang kanilang salapi para sa rehabilitasyon ng mga nasirang komunidad at kabuhayan ng ating mga kababayan partikular sa Mindanao.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, pangalawang tagapangulo ng Kadamay, “Tiyak na milyun-milyong piso na naman ang ipupusta ng mga milyonaryo nating mambabatas sa darating na laban ni Pacquiao. Maisip sana nila ang hikahos na kalagayan ng libu-libong nating kababayan nawalan ng tahanan, kabuhayan at mga mahal sa buhay.”

Dagdag pa ng lider, “Sa halip na maglibang sa Estados Unidos, dapat ay madaliin ng mga mambabatas ang pagbasura sa Mining Act of 1995 at iba pang batas na matagal nang napatunayang nasa likod ng pagkasira ng ating kabundukan at nagpapalala sa trahedyang dala ng Bagyong Pablo at Sendong.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply