Bodega ng PCOS sa Laguna ite-take over ng Comelec

comelec

KINUMPRIMA ng isang commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na maaari nang pansamantalang i-take over ng poll body ang warehouse sa Cabuyao, kung saan nakalagak ngayon ang mga precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa May 2013 midterm elections.

Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, nagpalabas na ng writ of possession si Binan Laguna Regional Trial Court Branch 25 Judge Teodoro Solis.

Inatasan rin nito ang may-ari ng warehouse na sundin ang terms of negotiation ng Comelec.

Sa ilalim ng writ of possession, maaaring i-take over ng gobyerno ang isang private property basta’t gagamitin ito sa kapakanan ng publiko.

Matatandaan na sa naturan ding warehouse inilagay ng service provider na Smartmatic International ang mga PCOS machine noong una itong gamitin sa 2010 national elections.

Subalit nitong Agosto ay natapos na ang kontrata ng Smartmatic sa nasabing warehouse kaya’t ang Comelec na ang nagbayad ng buwanang renta hanggang sa mapagdesisyunan na dito na lamang ilagay ang mga nasabing makina.

Hindi naman nagkasundo ang Comelec at ang may-ari ng warehouse dahil nais ng poll body na rentahan na lamang ito hanggang Hunyo 2013, ngunit ang nais naman ng may-ari ay magkaroon sila ng hanggang tatlong taong kontrata.

Dahil dito, dumulog sa hukuman ang Comelec at humiling ng expropriation o i-take over ng gobyerno ang isang pribadong property para sa kapakanan ng publiko.

Nilinaw naman ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., na temporary lamang ang gagawing take over sa warehouse o hanggang sa Hunyo 2013 lamang.

“We are entitled to a temporary writ of possession of the entire facility. We will have the possession of it for the meantime, until June 2013,” ani Brillantes.

Nakapagdeposito na umano ang Comelec ng P44.8 milyon para sa pitong buwang renta sa nasabing warehouse.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply