Botohan sa RH bill, babantayan ng mga Obispo

cbcp

MAGBABANTAY ang mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa gagawing botohan ng mga mambabatas sa Kamara hinggil sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill sa Miyerkules.

Ang naturang petsa ay natapat sa araw ng kapistahan ng Our Lady of Guadalupe, na tinaguriang ‘patroness of the unborn,’ kaya’t hinimok pa ng mga Obispo ang mga mananampalataya na manalangin upang hindi maipasa ang RH bill.

Nabatid na magtutungo ang mga Obispo sa House of Representatives upang ipakita ang kanilang mahigpit na pagtutol sa naturang panukalang batas.

Bago magtungo sa Kamara ay magdaraos muna ang mga Obispo ng banal na misa sa kalapit na St. Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bago tumuloy sa Kongreso.

Sasamahan din sila ng mga pro-life demonstrators at mga miyembro ng iba’t ibang church-based organizations sa pananalangin na hindi maipasa ang panukala.

Matapos ang misa ay magpu-prusisyon ang mga obispo patungo sa Batasan at ang mga hindi makakapasok sa loob ay mananatili na lamang umano sa labas upang doon manalangin at magbantay.

Ayon kay Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Family and Life (ECFL), nais ipakita ng mga Obispo ang kanilang suporta sa mga mambabatas na tutol rin sa naturang panukalang batas.

“It was a sentiment presented by the anti-RH legislators because they said they need moral, spiritual, and physical presence of the bishops,” ani Castro.

Nanawagan naman si Antipolo Bishop Gabriel Reyes, chairman ng CBCP-ECFL, sa mga mananampalataya na magsama-sama at patuloy na manalangin laban sa RH bill.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply