Caloocan City Hall pamumunuan ng kabataan

PANSAMANTALANG pamumunuan ng mga kabataan ang Caloocan City Hall bilang bahagi ng pakikiisa ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa Linggo ng Kabataan na nagsimula noong Lunes (December 3) at magtatapos sa Biyernes (December 7).

Sa ginanap na flag raising ceremony ay ipakikilala ang mga kabataang mamumuno sa bawat departamento at tanggapan kabilang na ang mayor’s office, vice mayor’s office, councilor’s office at iba pa.

Nanggaling ang mga napiling kabataan sa iba’t-ibang paaralan sa buong lungsod at sa pamamagitan ng pansamantala nilang pamumuno sa mga departamento sa city hall ay malalaman ng mga ito kung paano ang tamang pagpapalakad ng isang local government unit.

Sa pagwawakas ng maikling pamumuno ay mabibigyan ng kaunting “token” ang mga kabataang masuwerteng napili at sasagutin din ng mga department heads ang pagkain ng mga ito sa kanilang pagtigil sa city hall.

Ayon kay Echiverri, ang pansamantalang pagbibigay ng panahon sa mga mapipiling kabataan na pamunuan ang kanyang pinagsisilbihang lungsod ay isang paraan upang matutunan ng mga ito ang mga tamang pagpapatakbo ng isang departamento.

Ilan lamang sa mga kabataang napili na pansamantalang mamumuno sa city hall ay sina Aira Mae Orada na gaganap na city mayor ng isang lingo; Angeline Jayne Woods-city administrator; John Gerald Balolong-secretary to the mayor; Mark Louis Ferrolino-Public Information Office at iba pa.

Sa kanilang pagtigil sa city hall, bukod sa malalaman ng mga kabataang ito ang tamang pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan ay maihahanda rin ang mga ito sa tamang pagdedesisyon para sa kanilang pagharap sa kinabukasan.

Nabatid pa na taon-taon ay binibigyan ng pagkakataon ni Echiverri ang mga napipiling kabataan na pamunuan ang mga departamento at tanggapan sa city hall bilang pakikiisa ng alkalde sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply