Cardinal Tagle, 14 bishops: Pagpasa sa RH bill, ‘wag madaliin

antonio-tagle

HUWAG ninyong madaliin ang pagpapasa sa RH bill!”

Ito ang apela ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at 14 pang Obispo sa mga mambabatas sa Kamara na kasalukuyang nakabinbin at tinatalakay ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill.

Sa isang kalatas na ipinalabas ng mga ito matapos ang isang pre-Christmas gathering nitong Martes, sinabi ng mga naturang church leaders na kinakailangan munang matalakay ng husto ang naturang panukalang batas.

“We are appealing to the Honorable Representatives to give ample time to deliberations and discernment and not to unduly rush them,” nakasaad sa kalatas.

Ayon kay Antipolo Bishop Gabriel Reyes, chairman ng Episcopal Commission on Family and Life (ECFL) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP),  na nagkakaisa ng pananaw ang mga Obispo na ang naturang panukalang batas ay magdudulot ng higit na panganib kumpara sa benepisyo na maibibigay nito.

Ipinaliwanag ng Obispo na hindi dapat na madaliin ang pagpasa sa panukala dahil ang kinabukasan ng mga Pinoy ang nakasalalay dito.

Umaapela rin naman ang mga Obispo ng transparency sa naturang panukala sakaling pagbotohan na ito, o isagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting.

“We are appealing to them to conduct the deliberation and decision with transparency through nominal voting and respect for the diversity of views,” panawagan pa ng mga Obispo.

Nanindigan si Reyes na may karapatan ang mga mamamayan na malaman ang posisyon ng kanilang mga kinatawan sa Kamara hinggil sa RH bill.

Nagbabala pa ito na sakaling ipagpatuloy ng mga mambabatas ang pagboto sa pamamagitan ng ‘viva voice,’ ay nangangahulugan lamang umano ito na maaapektuhan rin ang kanilang tiyansa sa eleksiyon sa susunod na taon.

Matatandaang viva voice voting scheme lamang ang ginamit ng mga kongresista noon nang magdesisyon silang tapusin na ang debate sa RH bill.

“They know that they will have a problem in the coming elections if they voted for RH bill because there are so many people who are against it,” ani Reyes.

Bukod kina Tagle at Reyes, ilan pa sa mga lumagda sa naturang kalatas ay sina Bishops Honesto Ongtioco ng Cubao, Deogracias Iñiguez ng Kalookan, Jose Oliveros ng Malolos, Antonio Tobias ng Novaliches, Jesse Mercado ng Parañaque, Mylo Hubert Vergara ng Pasig, Leo Drona ng San Pablo, Leopoldo Tumulak ng Military Ordinariate, Pedro Arigo ng Puerto Princesa, at Edgardo Juanich ng Taytay.

Lumagda rin sina Auxiliary Bishops Francisco De Leon ng Antipolo at Broderick Pabillo at Bernardino Cortez ng Manila at si Fr. George Morales, Diocesan Administrator ng Imus.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply