CBCP nakikiramay sa mga biktima ng bagyong Pablo

NAKIKIISA, nakikiramay at ipinapanalangin ng Simbahang Katoliko ang libu-libong Pinoy na sinalanta ng bagyong Pablo sa Visayas at Mindanao, at maging sa Palawan.

Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, labis silang nalulungkot dahil sa naganap na kalamidad at tiniyak na kikilos din ang Archdiocese ng Manila para magpadala ng tulong at donasyon sa mga biktima ng bagyong Pablo.

Umapela rin ito sa mga mamamayan na tumulong din sa mga nasalanta ng bagyo, sa abot ng kanilang makakaya.

Sinabi pa ng Cardinal na kumikilos na ang lahat ng parokya sa Archdiocese ng Manila sa pangunguna ng Caritas Manila para makapagpadala ng tulong upang maiparamdam sa mga apektado ng bagyo na hindi sila nag-iisa dahil kasama nila ang Simbahan sa hirap na dinaranas.

Hinimok din ni Tagle ang mga nasalanta ng bagyo na lakasan ang kanilang loob dahil ang Panginoon ay lagi nilang kasama.

Nabatid na sa ngayon ay nakapagpadala na rin naman ang Archdiocese of Manila ng inisyal na donasyon at cash assistance sa mga apektadong diocese at archdiocese sa Visayas at Mindanao.

Nangako  pa si Tagle na madadagdagan pa ang ipapadala nilang tulong sa mga susunod na araw sa mga typhoon victims.

Samantala, ikinalulungkot naman ni CBCP President at Cebu Archbishop Jose Palma ang naganap na sakuna ngunit binigyang-diin ng Arsobispo na ang pagtutulungan ng bawat isa ang pinakamabuting gawain.

Inatasan na rin ni Palma ang lahat ng Social Action Centers sa Archdiocese ng Cebu na mangalap ng cash donations para ipadala sa mga lalawigan at Dioceses na sinalanta ng bagyong Pablo.

Nananawagan din ang Arsobispo sa kapwa Obispo na i-mobilized ang kani-kanilang mga Social Action Centers gayundin ang lahat ng charitable institutions na tulungan ang mga apektado ng kalamidad.

Umaasa din si Archbishop Palma na gumawa ng special prayers ang kapwa niya Obispo para sa mga biktima ng bagyo na dadasalin sa mga misa.

Tiniyak pa ng Arsobispo sa mga biktima ng bagyo na magpapadala ang CBCP ng tulong pinansiyal at relief goods sa mga darating na araw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply