Cecilia, Dionesia, Edita

inton

IBA’T IBANG mukha ng ina ang nasa mga pahayagan ngayon. Si Dionesia, si Cecilia at si Edita ay ilan lamang sa kanila.

Una ay nakikiramay kami sa pamilya ng yumaong si Cecilia Mitra, ang butihing maybahay ng nasirang Speaker of the House of Representatives na si Ramon “Monching” Mitra.

Si Cecilia Mitra ang nagtatag ng Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI), na isang organisasyon ng mga maybahay ng mga Mambabatas na nagsasagawa ng social works at community services para suportahan ang mga trabaho ng kanilang mga asawang Kongresista. Kami ay nag-aalay ng dasal at sumalangit nawa ang kaluluwa ni Mrs. Cecilia Mitra.

Samantala, nakikiusap ang ina ni Manny na si Dionesia Pacquiao na sana ay pagbigyan na siya nito at huminto na sa pagiging boksingero ang anak.

Ang hinaing ni Dionesia ay bata pa raw nang magsimula sa boxing si Manny at sa kabila ng lahat ay mahirap para sa isang ina ang nakikitang nasasaktan ang anak at nalalagay sa panganib ang buhay tuwing umaakyat sa ring.

Ang buong bayan ay nag-aabang kung pakikinggan ba ni Manny ang hiling ng ina na sya ay mag-retire na.

Isa pang ina na nasa mga balita kamakailan ay si Edita Burgos, ina ng magsasaka at aktibistang si Jonas Burgos. Nawala si Jonas noong 2007.

Pinaninindigan ni Edita na ang anak ay dinukot ng militar. Kamakailan ay umapela sa Commission on Appointments si Edita na huwag makalusot ang pagkakatalaga kay Brig. General Eduardo M. Año bilang hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces (Isaf).

Ayon kay Edita si Año ay may kinalaman sa pagkawala ng kanyang anak. Sinagot naman ni Senate President Juan Ponce-Enrile ang apela ni Edita ng pangakong titingnan niya ang basehan ng akusasyon ng ina ni Jonas.

At marami pang ina na ang mga kwento ay araw-araw na nailalathala. Napakalaki ng responsibilidad na nakaatang sa inyong mga balikat. Mga ina ng mga batang maliliit pa ay nakikita nang naninigarilyo, mga ina ng mga batang gumagala sa mga lansangan at nanglilimos at mga ina ng mga batang nasasangkot sa kung ano-anong krimen.

Ngayong araw na ito, sa pagbabasa ko ng mga dyaryo narinig ko ang inyong mga puso.

Nawa ay patuloy kayong magkaroon ng lakas sa pagharap sa inyong mga tungkulin.

Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply