CHR inutil sa pagresolba sa karahasan vs maralita

SUSUGOD ngayong umaga ang mga miyembro ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ang tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City dahil umano sa kawalang-aksyon ng nasabing ahensiya sa nagpapatuloy na karahasang dinaranas ng mga maralita-lungsod sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Isang tambak na umano ang mga kasong isinampa ng mga maralita sa CHR kaugnay sa pagpaslang at pandarahas na ginawa ng awtoridad sa mga progresibong maralita, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala man lang ni-isang naresolba ang ahensya.

Tanong ni Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, “Anong ginawa ng CHR kaugnay sa mga kaso ng hindi bababa sa 13 lider ng maralitang-lungsod at indibidwal na pinaslang ng awtoridad simula ng naging pangulo si Noynoy Aquino?”

Noong 2011 ay 6 na lider-maralita ang pinaslang sa Metro Manila kaugnay sa usapin ng paninirahan. Ngayong taon ay naitala ang 7 bagong kaso ng pagpaslang ng awtoridad sa hanay ng maralitang lungsod.

10 kaso ng pagpaslang sa Metro Manila

Ayon naman sa Karapatan-NCR, naitala nila sa Metro Manila ang pagdoble ng bilang ng mga pinaslang na mula sa 5 kaso noong 2011 ay nadagdagan pa ulit ng 5 mga bagong kaso ngayong taon.

Hindi na ikinagulat ng Kadamay ang ganitong bilang kasabay ng lumaking bilang ng mga komunidad ng maralita sa Metro Manila na naharap sa banta ng demolisyon sa taong 2012 dahil sa iba’t ibang Public-Private Partnership projects ni Noynoy.

Kumpara sa panahon ng dating administrasyong Arroyo kung saan walang naitalang extra-judicial killing sa hanay ng mga maralita sa Metro Manila, mas malala umano ang ginagawang paglabag sa karapatan ng mga maralita sa ilalim ni Aquino.

Binira rin ng Kadamay ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino na siyang nasa likod ng hindi makataong pagdurog ng gubyerno sa mga progresibong grupo alinsunod sa Counter-Insurgency (COIN) Guide ng Estados Unidos.

“Kahit ilan pang super-body ang likhain ni Aquino para imbestigahan ang aabot na sa 114 mga kaso pamamaslang ng awtoridad sa ilalim ng kaniyang liderato, dadami pa ang bilang na ito hangga’t hindi naibabasura ang Oplan Bayanihan,” pahayag ni Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply