CMP ni Recom sa Caloocan umabot sa 68

UMABOT sa animnapu’t-walong Community Mortgage Program (CMP) ang naibigay ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri para sa mga mahihirap na residente ng lungsod na walang sariling bahay at lupa.

Ayon kay Echiverri, sa 68 CMP ay umabot sa 8,767 pamilya ang nabigyan ng sariling bahay at lupa sa iba’t-ibang lugar sa lungsod dahilan upang mabawasan ang mga informal settlers sa pinamumunuan nitong siyudad.

Aniya, katuwang ng lokal na pamahalaan sa proyektong ito ang Gawad Kalinga at ang Angkop Foundation kung saan ang administrasyon ni Echiverri ang siyang tumutulong upang makakuha ng lupang pagtitirikan ng mga bahay at iba pang suporta sa inprastraktura.

Napag-alaman pa na karamihan sa pamilyang nakinabang sa CMP ni Echiverri ay ang mga naninirahan sa tabi ng riles ng Philippine National Railways (PNR) na giniba upang isaayos ang railways system sa Metro Manila.

Bukod sa mga pamilyang ito, nabiyayaan din dito ang mga residente na nakatira sa tabi ng ilog at iba pang daluyan ng tubig na labis na nagiging delikado ang buhay kapag  nagkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Hindi rin pumayag ang administrasyon ni Echiverri na mailipat sa ibang lugar ang mga apektadong residente at pinilit nito ang tinatawag na “in-city relocation” kung saan ay inilipat lamang ang mga pamilyang ito sa ibang lugar ngunit sa nasasakupan pa rin ng Caloocan City.

Kaugnay nito, nagpasalamat din si Echiverri sa Gawad Kalinga at sa Angkop Foundation dahil sa walang sawa nitong pagtulong sa lokal na pamahalaan upang mabigyan ng bahay na matitirhan ang mga mahihirap na residente hindi lamang sa Caloocan City kundi maging sa iba pang lugar.

Umaasa rin si Echiverri na hindi magtatagal ay mabigyan ng sariling bahay at lupa ang lahat ng mahihirap na residente sa naturang lungsod nang sa gayon ay wala nang tatawaging iskuwater sa buong Caloocan City.

Simula ng maging alkalde si Echiverri sa Siyudad ng Caloocan noong 2004 ay sinimulan na nito ang pagbibigay ng iba’t-ibang proyekto na higit na pinakikinabangan ng mga mahihirap na residente tulad ng pabahay at iba pa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply