Dahil sa masamang tingin, kelot niratrat tigbak

PATAY ang isang binatilyo matapos itong pagbabarilin ng isang tambay na umano’y napikon sa masamang titig ng una habang bumibili ng midnight snack kaninang madaling araw sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead on arrival sa Tondo General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan ang biktimang si Kevin Joseph Canlas, 19, walang trabaho, ng 782 Solis St., Gagalangin, Tondo, Maynila.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na inilarawan lamang na nasa edad na 32 hanggang 35, na armado ng di mabatid na kalibre ng baril at tambay sa lugar.

Sa report ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, dakong alas- 2:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa kanto ng Cavite at Lucban Sts. , Gagalangin , Tondo, Maynila.

Nauna rito, kasama ng biktima ang kanyang pinsan na bumili ng midnight snack sa tinadahan na matatagpuan sa tapat ng Barangay Hall 167 nang masamain umano ng suspek ang pagtingin ng biktima sa kanya.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek at inawat naman ito ng pinsan ng una.

Dahil dito, lalong nabadtrip ang suspek kaya umalis sa lugar ngunit ilang minuto lamang ang nakalipas ay bumalik ito na may bitbit nang baril at walang habas na pinagbabaril ang biktima.

Nagawa pa umanong makatakbo ng biktima kasama ang kanyang pinsan ngunit bumagsak din ito at dinala sa nasabing pagamutan ngunit hindi na rin umabot pang buhay.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang insidente.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply