Dapat lang na sunugin

bong_padua1

LAKING panghihinayang, marahil ng may-ari ng tone-toneladang pigeon at peking ducks na nakumpiska ng mga tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon noong Oktubre.

Sa mga taong nagtangkang magpalusot, ng kargamento na nagkakahalaga ng P40 million ay maliwanag na pera na, pero naging abo pa.

Kung bakit naging abo?

Aba’y  ipinag-utos pala ni Biazon na sunugin na ang mga ito para hindi na kung saan-saan pa mapunta.

Ang mga pigeon at peking duck ay maituturing nang botcha dahil sa katagalan na nito sa pinaglalagakang mga warehouse.

Nalalapit na ang Pasko at sa panahong ito lumalabas ang mga botcha (mga panindang karne na unsafe  for human consumption).

Hindi tayo nakatitiyak na kahit na sabihin pa na ‘secured’ at ‘di makalalabas ang shipment na ito sa bodega, eh, mahirap na.

Baka kasi umiral na naman ang kagaguhan ng ilang tiwaling kawani ng ahensya at  makipagkutsabahan  sa mga gagong  negosyante.

At magugulantang na lang tayo na nakakalat na sa mga bangketa at inilalakong bagsak ang presyo.

Malaking posibilidad na mangyayari ang ganyang senaryo dahil  gumagastos ang bawat pamilya para ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon.

Dahil napakamura, tinatangkilik  ang botcha kahit pa ito’y magdudulot ng sakit at kapag ‘di kaagad malunasan ay nakamamatay, ayon sa  DOH. At sadyang napakadelikado ang mga pigeon at peking duck na ito dahil baka makakuha pa ng mapanganib na bird flu ang makakakain nito.

Kaya tama  lang na ipinasunog na ng  butihing BOC chief ang mga nakumpis-kang pigeon at peking ducks na yan para ‘di na makapaminsala.

Idineklara  ng Hexa Trading na mga frozen mackerel,  ngunit  nabuking ito ng alertong BOC agents na mga peking duck at kalapati na ban sa ating bansa.

Matagal nang ibinawal ang pagpapalusot ng peking ducks at pigeons papasok sa bansa simula nang lumaganap ang sakit na bird flu sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tingnan mo nga naman, sa sobrang busy ni Biazon ay naiisip pa niya ang kalusugan ni Mang Juan.

‘Yan ang totoong lider.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply