Disease outbreak sa evacuation centers, pinangangambahan

MAHIGPIT na nagbabala ang Department of Health (DOH) hinggil sa posibleng pagkalat ng sakit o pagkakaroon ng disease outbreak sa mga evacuation centers sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Pablo kamakailan.

Pinayuhan ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, direktor ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang mga namamahala sa mga evacuation centers, gayundin ang mga evacuees, na magsagawa ng kaukulang pag-iingat upang maiwasan ang posibleng disease outbreak.

Ipinaliwanag ni Tayag na nadaragdagan ang tiyansa na pagkakaroon ng outbreak ng sakit lalo na kung hindi sapat at hindi ligtas ang suplay ng tubig sa isang lugar.

Ayon pa kay Tayag, ang isang tao sa evacuation center ay nangangailangan ng 20 litro ng tubig araw-araw na gagamitin nito sa pag-inom, pagluluto at para sa hygiene purposes.

Kaugnay nito, sinabi ni Tayag na dapat na tiyakin ng mga evacuees na malinis ang tubig na kanilang iinumin sa pamamagitan nang pagsala dito gamit ang cheese cloth, pagpapakulo o di kaya’y paglalagay ng chlorine.

“Camp managers of evacuation centers should alert evacuees of potential disease outbreaks if water supply is inadequate and not safe,” tweet pa ni Tayag.

Tiniyak rin naman ni Tayag na nagpakalat na ang DOH ng mga grupo sa mga evacuation centers na tutulong sa mga local governments sa pag-assess ng sitwasyon at pangangailangang pangkalusugan ng mga residente.

Payo pa ni Tayag, ang mga pagkaing madaling mapanis ay dapat na kainin kaagad sa loob ng dalawang oras matapos itong ihanda.

Kung hindi naman aniya ito makakain kaagad ay dapat na iinit ito o di kaya’y ilagay sa malamig na container.

Hinimok rin naman ni Tayag ang mga ina na pasusuhin na lamang ang kanilang mga sanggol upang makaiwas sa sakit ang mga ito.

Samantala, nilinaw pa ng health official na ang mga bangkay na hindi kaagad maililibing ay hindi naman disease risk.

Sa kabila nito, hinimok ni Tayag ang mga awtoridad na ilibing ng maayos ang mga bangkay, ngunit hindi sa pamamagitan ng mass burial.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply