Divorce naman? Patay tayo riyan

abiso-marikenyo-paul-edward-sison-online

HAY NAKU!

Talagang under attack ang pamilyang Filipino. ‘Di mo aakalaing manggagaling pa sa anak ni dating President Cory Aquino.

Pagkatapos nitong RH Bill, ito namang Divorce Bill ang gusto nilang ipasa sa Pilipinas na sinasabing tanging bansa na lang sa buong mundo na walang divorce.

Pinangungunahan ng dalawang hindi Katoliko…sina Speaker Sonny Belmonte at Sen. Pia Cayetano.

Talagang bagsak na talaga ang huling “pro-life at pro-family na bansa sa Asia.” Bakit ba tila gustong padaliin ng gobyerno ang paglabag ng tao sa mga utos ng Diyos? Easy way out – ayan ang itinuturo natin sa tao.

Gusto niyo makapag-sex? ‘Di na kailangang magka-asawa para lang may makasiping … may karapatan ka to safe and pleasurable sex. Gusto mo kahit gabi-gabi ka pa makipag-sex at paiba-ibang partner, wala kang aalalahanin kasi di naman mabubuntis.

Nagsasawa ka na sa asawa mo? Pwede mo nang palitan ‘yan sa madaling paraan. Gawin nating express lahat ‘yan – sex, pakikipaghiwalay sa asawa, pagpalit ng partner, etc.

Tama nga ang mga mensahe galing umano sa kalangitan na sobra na ang henerasyon natin at daig pa ang Sodom at Gomorah.

Ano na ang nangyari sa Pilipinas? Bakit ang dali nating nabulag at naisahan ng mga politiko? Bakit naniwala agad tayo sa linya nila na ang populasyon ang dahilan ng kahirapan sa atin? Ha? Hindi ba korapsyon ang dahilan kung bakit ‘di natin maiahon ang ating mga kababayan at mismong ang ating bansa sa kahirapan?

Bakit mas importante na kung ano ang gusto ng tao at hindi na kung ano ang kagustuhan ng Diyos? People Power is more important than God’s will? Itinabi na natin ang Diyos.

Wala na Siya sa sentro ng ating buhay. At tayo na ang nagdidikta kung ano sa palagay natin ang gusto niya.

Sa isang banda, wake up call na rin ito sa Simbahan at sa mga Kaparian. Hindi na kasi epektibo ang kanilang pag-promote ng beauty of the faith. Natalo ang simbahan sa propaganda war. Pero, kahit na gaano pa kalaki ang kakulangan ng simbahan – sila pa rin ang tanging binigyan ng kapangyarihan ni Hesus na mag-interpreta ng kanyang mga kautusan. Nasa Bibliya ‘yan. Hindi niya ito ibinigay kina congressman at senador.

Pwede nating murahin at insultuhin ang mga obispo, pari, at taong simbahan sa pagkontra nila sa anti-life at anti-family bills. Pero, darating ang araw na haharap tayo sa ating Diyos at saka pa la-mang natin malalaman kung tama o mali ang ating nagawa.

Ang tanong … paano kung patay ka na at sa judgment seat ng Diyos —  at saka mo pa lang malalaman na tama pala ang posisyon ng simbahan? Papaano ka na, kapatid?

Mababawi mo pa ba ang lahat ng iyong ginawa at binitawang salita laban sa kaniyang mga alagad? Patay tayo riyan!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply