DOH nagpaalala sa typhoon victims sa evacuation centers

doh-eric-tayag-2

PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang mga typhoon victim na kasalukuyang nasa mga evacuation center na tiyaking mayroon silang malinis na tubig, sanitary toilet at maayos na itatapon ang kanilang mga basura upang makaiwas sa karamdaman.

Ang paalala ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ay kasunod na rin ng paglikas ng mga residente sa ilang lugar saVisayas at Mindanao na sinasalanta ni Typhoon Pablo.

“Evacuation center essentials: 1) adequate, clean water 2) sanitary toilets 3) proper waste disposal 4) meals 5) medicines,” ayon pa kay  Tayag, sa kanyang Twitter account.

Kasabay nito, pinayuhan din ni Tayag ang mga evacuee na bago inumin ang tubig mula sa evacuation centers ay tiyaking ligtas ito mula sa anumang mikrobyo.

Makabubuti aniya kung sasalain muna ito gamit ang cheesecloth, pakuluan o ‘di kaya’y lagyan ng chlorine para ma-disinfect.

Payo pa ni Tayag, ugaliin ng mga evacuee na palaging maghugas ng kamay lalo na kung maghahanda ng pagkain.

Umapela rin ito sa mga residente na kaagad na lumikas bago pa man lumala ang sitwasyon sa kanilang lugar dahil sa bagyo, tulad nang malawakang pagbaha.

Ayon kay Tayag, mahalagang mapanatiling ligtas ang bawat miyembro ng pamilya, partikular na ang mga paslit upang malayo sila sa disgrasya tulad nang pagkalunod.

“Keep children safe. Drowning has killed more people during heavy flooding,” ani Tayag.

Kaninang madaling araw ay nag-landfall na ang bagyong Pablo sa Davao Oriental at hanggang kaninang 6:00 ng umaga ay 8,283 pamilya na o 41,608 katao mula sa Eastern Visayas at sa Regions 10, 11 at 13 ang nailikas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa may 972 evacuation centers.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply