DOH nais makatuwang ang simbahan sa RH bill

DOH

NAIS ng Department of Health (DOH) na maging katuwang ang Simbahang Katoliko sa implementasyon ng kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill sakaling tuluyan na itong maisabatas.

Ayon sa DOH, pareho lamang naman kasi umano ang pamahalaan at ang simbahan ng layunin na mabigyan ng mas maayos na pamumuhay ang mga Filipino.

Ipinaliwanag pa ng DOH na ang RH bill ay hindi naman tungkol sa paglimita ng populasyon kundi pagbibigay ng mas mabuting buhay para sa bawat pamilyang Pinoy.

“Let not this Reproductive Health Bill divide us but more so unite us for better health for all,” saad pa ng DOH sa isang pahayag.

Matatandaang sa botong 113-104 ay ipinasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang RH bill.

Sa Lunes naman ay inaasahang magbobotohang muli ang mga mambabatas hinggil sa naturang batas sa ikatlong pagbasa.

Mahigpit ang pagtutol ng Simbahang Katoliko sa naturang panukala dahil labag ito sa paniniwala ng simbahan, partikular na ang paggamit ng artificial contraception para limitahan ang pag-aanak dahil ito’y maaaring maging sanhi ng aborsyon o pagkitil ng buhay ng sanggol.

Sa panig naman ng DOH, sinabi nito na sa sandaling maipasa ang RH bill ay magiging landmark law ito at magkakaroon na ng pagkakataon ang mga kababaihan na mamili ng tamang desisyon hinggil sa kanyang reproductive health.

“Likewise, their partners will also play a significant role as decision making requires the consent of both parties to determine their number of children and when they want to have,” anang DOH.

Samantala, umaasa pa rin naman ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na hindi maipapasa ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa dito. Handa rin umano ang mga obispo na iakyat sa Korte Suprema ang isyu.

Ayon kay retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, hindi pa tapos ang laban at tulad aniya ng boksing, bagamat mayroong naganap na’knockdown’ sa kanilang panig ay hindi pa naman sila nana-knockout.

Hinimok pa nito ang mahigit 60 mambabatas na absent sa botohan na dumalo sa final voting sa RH bill.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply