Firecracker zone ipatutupad sa Caloocan

Upang makaiwas sa anumang aksidente sa pagsalubong sa bagong taon ay mahigpit na ipatutupad ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang “firecracker zone” sa bawat barangay sa buong lungsod.

Ayon kay Echiverri, ang paraang ito ang naisip ng lokal na pamahalaan upang makaiwas sa anumang posibleng aksidente ang mga residente sa pagsalubong ng mga ito sa pagdating ng taong 2013.

Sa pamamagitan ng “firecracker zone”, magtatakda ang lokal na pamahalaan ng mga lugar sa bawat barangay kung saan maaari lamang magpaputok ang mga residente upang maiwasan ang maka-aksidente habang nagpapaputok.

Ang sinumang mahuhuli ay nakatakdang parusahan base na rin sa nakasaad sa batas kaya’t pinayuhan ni Echiverri ang mga residente na sumunod na lamang sa kautusan upang hindi na maperwisyo.

“Para sa kaligtasan na rin nating lahat ang pagpapatupad ng firecracker zone kaya’t huwag na sana tayong lumabag sa batas upang hindi na rin magambala ang ating pagdiriwang ng bagong taon”, sabi pa ni Echiverri.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa lahat ng opisyal ng barangay sa buong lungsod upang maipatupad ng maayos ang “firecracker zone”.

Maging ang lokal na pulisya na pinamumunuan ni Sr. Supt. Rimas Calixto ay mag-iikot din sa bawat sulok ng lungsod upang matiyak na magiging payapa at maayos ang gagawing pagsalubong sa bagong taon.

Tutulong din sa pagsasaayos ng kaayusan at sa pagpapatupad ng “firecracker zone” ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM), mga opisyal ng barangay at mga tanod.

“Sabay-sabay nating salubungin ng maayos, masaya at malayo sa aksidente ang taong 2013 at sana ay lalo pang umunlad ang ating pinakamamahal na lungsod sa susunod na taon”, pagtatapos pa ni Mayor Recom.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply