Grabe ang kotongan sa mga lansangan

benny antiporda

PARAMI nang parami ang reklamo laban sa pangongotong ng mga alagad ng batas sa mga lansangan.

Kabilang sa mga alagad ng batas ang mga pulis, traffic enforcer, Metro Manila Development Authority Constables, taong Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kahit saan, naglipana umano ang mga ito at ang pinanggagalingan ng karamihan ng mga reklamo ay sa Mega Manila.

Yun bang === Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.

PINAPARA LAHAT

Pinapara ng mga alagad ng batas na ito ang lahat: single na motorsiklo, traysikel, jeepney, bus at cargo truck. Lahat ng mga papeles ay inuusisa, lahat ng marka ay tinititigan.

May kanya-kanyang paniket ang mga alagad ng batas at may kanya-kanyang dahilan para maniket.

Ang mga traffic enforcer ay may kanya-kanyang teritoryo at gamit naman nila ang mga ordinansa ng kani-kanilang mga munisipyo o lungsod para maniket.

Itong mga taga-LTO at LTFRB, bukod sa lisensiya at prangkisa na binubusisi nila, naririyan din ang on the spot na emission test nila.

TIRA NG TRAFFIC ENFORCERS

Itong mga traffic enforcer ang pinupuna nang matindi.

Sa mga lalawigan na ang mga jeepney driver halimbawa ay bumabagtas ng maraming bayan, umiiyak na ang mga driver sa kasasakada ng kanilang mga lisensiya sa iba’t ibang munisipyo.

Wala na umano silang ginawa kundi ang magbayad ng sari-saring violation na ipinapataw ng mga traffic enforcer. At alam ba ninyo kung gaanong katindi ang panghuhuli ng mga ito?

Pasko kasi, gusto nilang makaipon ng pamasko mula sa mga hirap na hirap sa diesel at pamamasada na jeepney driver.

Nangongotong nang ligal ang mga traffic enforcer dahil sa liit ng kanilang sahod na ibinibigay ng mga munisipyo at ang mga jeepney driver ang pinagdidiskitahan nila.

Nadadamay na rin dito ang mga traysikel na pumapasada sa kani-kanilang mga teritoryo.

INSPEKSYON NG MOBILE PATROL

Naghahalo naman ang mga pulis-munisipyo at panlalawigan at panrehiyong pulis sa pangongotong sa mga motorista.

Tagusan kung tumira umano ang mga ito. ‘Yun bang === walang sinasanto.

Single na motor, traysikel, jeepney, bus at cargo truck.

Kitang-kita na kanya-kanya ang mga ito ng puwesto sa mga lansangan,: municipal road, provincial road at national road.

Lahat tinitingnan. Helmet, sapatos at tsinelas, papeles ng mga sasakyan, sakay na tao o kargamento at marami pang iba.

Kaya pala masipag ang mga ito na magpapara ng mga sasakyan ay dahil pa rin sa Pasko.

Gusto nilang mamasko sa pamamagitan ng tiket o pananakot sa mga motorista.

Kagaya ng mga traffic enforcer, mas masipag sila na magpara ng mga sasakyan para umano sa mga traffic violator kaysa mangasiwa ng mga katakot-takot na trapik ngayon.

Kagaya ng mga traffic enforcer, tumatanggap ang mga ito ng lagay at wala nang tiket-tiket kung may cash na inaabot ang mga motorista upang hindi lang sila maistorbo sa haba ng pila ng pinapara ng mga ito.

BANAT NG LTO/LTFRB

May mabura lang nang konti sa mga tatak ng mga sasakyan, mabigat nang kasalanan umano sa batas trapiko, ayon sa mga taga-LTO at LTFRB.

Dahil din sa grabeng trapik, kapag lumiko at umiwas ang mga pampublikong sasakyan at maghanap ng madaraanan na makagagaan sa kanila sa gastos sa mahal na diesel at malaking konsumo sa diesel, tinitira agad ang mga tsuper at operator ng out of line.

Libo-libo, mga Bro, ang sinisingil ng LTO at LTFRB rito.

Hindi gumagawa ang mga ito ng mga alternati-bong daan para mapagaan ang mga normal na ruta ng mga sasakyan at ang mang-huli nang manghuli ang inaa-tupag.

Muli, nagsisipag ang mga ito para magkaroon ng pamasko mula sa mga tiket na iniisyu nila sa mga traffic at franchise violation umano.

EMISSION TEST

Isa sa mga isinusuka ng mga motorista ang on the spot na emission test ng mga sasakyan.

Akalain mo bang dinidi-inan nang husto ng mga taga-LTO at LTFRB ang mga silinyador ng mga sasakyan hanggang sa malunod sa gasolina at diesel ang mga ito. Natural na bubuga ng grabeng usok ang mga ito.

Kaya lahat ay hindi nakapapasa, kahit ang mga bagong sasakyan sa emission test. Diyan na maniniket o mag-impound ng mga sasakyan ang mga ito.

Kikita na sila sa tiket, kikita pa sila sa impounding ng mga sasakyan.

Dito na umiiyak ang mga tsuper at operator ng mga jeepney, bus at cargo truck.

DILAPIDATED NA TOW TRUCK

Sa Metro Manila, kitang-kita naman ang maraming dilapidated na tow truck ng mga traffic enforcer at mas mausok pa ang mga ito sa kanilang mga hinihila na sasakyan sa wrong parking at iba pang violation.

Kasama na sa mga hinihila ng mga ito ang mga traysikel at sidecar.

Pero walang nanghuhuli sa mga dilapidated at mau-usok na tow truck ng mga pulis at traffic enforcer.

WALANG HULI SA KOTONG

Ang buong hinanakit ng mga motorista ay walang nanghuhuli sa mga nangongotong.

Sapagkat ang mga dapat na manghuli ay sila rin ang nangongotong.

Kung ganito ang gobyerno na siyang pinagmumulan ng hirap ng mamamayan, kanino tayo tatakbo at mag-papatulong?

Ayaw naman nating tumakbo sa mga riding in tandem.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply