Hangin humahagupit na, baha rumaragasa pa

benny antiporda

HABANG tinitipa natin ito, paspasan ang pagbabakwit sa maraming lugar sa Mindanao at Visayas dahl sa bagyong Pablo.

Ang mga dating dinaanan ng grabeng pagbaha sa Cagayan de Oro City at Iligan ay binabakante na.

Kabilang naman sa mga pangunahing inaalisan ng tao ang mga nasa baybaying dagat na tinutumbok ng bagyo, kabilang na ang Surigao at Davao.

Hindi lamang baha kundi posibleng tsunami ang magaganap.

HUMINA KONTI

Sinasabing humina nang kaunti ang bagyong Pablo mula sa malakas at malawak na bagyo.

Nitong Linggo, may lakas na 185 kilometro ang hangin ngunit humina ito sa 175 kilometro.

Humina rin ang bugsong hangin nito mula sa 230 kilometro kada oras sa 210.

Gayundin kumitid ang lawak nito mula sa 700 kilometro sa 600.

Humina si Pablo dahil sa pagtama nito sa mga kabundukan ng Mt. Diwalwal, Mt. Diwata at iba pang mga bundok sa Davao, Surigao at Agusan.

SIGNAL NOS 3,2,1

Pero nagpapasalamat tayo dahil pukpukan ang pag-kilos ng mga lokal na pamahalaan at ang nasyonal at lokal na Disaster Risk Reduction Management Council.

Sila ang umaakay sa lahat ng mamamayan na magbakwit at tumungo sa mga ligtas na lugar.

Sa oras na tinitipa natin ito, pitong lugar ang nasa ilalim ng signal number 3, pito ang nasa signal number 2 at 13 ang nasa signal number 1.

Pero dahil nag-landfall o tumama na nga ang bagyo sa ating bansa, lumawak pa ang mga apektadong lugar.

SINUNDAN SI SENDONG

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical ang Astronomical Services Administration, halos pareho sa dinaanan ng bagyong Sendong ang daraanan ni Pablo.

Kung nasalanta nang husto ang CDO, Iligan at bahagi ng Negros noong nanalasa si Sendong, tiyak namang mauulit ito.

Lalo’t mas malalakas ang mga hangin at ulan na dala ni Pablo kumpara sa dinala ni Sendong.

Kaya naman, kung hindi maaagapan ang pananalasa ni Pablo, tiyak na mas marami ang mamamatay at masisiraan ng ari-arian ngayon kaysa naganap noong dumating si Sendong.

Pumatay si Sendong ng nasa 1,200 katao noon at matagal na nakabangon mula sa gutom at hirap ang mga nakaligtas.

Mauulit ba ito ngayon sa kamay ni Pablo?

PAGKAIN, GAMOT

Lahat ng mga lokal na pamahalaan ay naghahanda para sa pagkain, gamot at iba pa para maasikaso ang mga libo-libo nang nasa mga evacuation center.

At siyempre pa, kahit ang mga nasa labas ng mga ito na sinasalanta rin ng bagyo.

Siyempre pa, kasama ng mga lokal na pamahalaan ang mga sangay ng mga nasyonal na ahensiya na deregulated gaya ng mga nasa social welfare at health.

Ang tanong na lang ngayon ay: ano-ano na ang mga inihahanda ng ibang national na ahensiya gaya ng departamento ni Ms. Dinky Soliman at ng Department of Health?

Sana, huwag tayong makarinig ng mga turuan kundi ang mahigpit na pagtutulungan ng mga nasyonal at lokal na pamahalaan at ahensiya ng pamahalaan.

NASAAN ANG MGA POLITIKO

Para sa atin, welcome ang lahat ng mga politiko na tumulong.

Pero dapat maramdaman ng mga biktima na hindi lang dahil sa nalalapit na halalan ang dahilan ng pagtulong ng mga ito.

Tutulong ang mga politiko dahil sa malungkot na kalagayan ng mga biktima.

Hangga’t maaari ay iwasan ang mga nakatatak na mukha at ngalan ng mga politiko sa kahit na anong sisidlan at produkto na kanilang itutulong.

GAMIT ELECTION WASAK KAY PABLO

Iwasan din dapat ang mga sobrang anunsyo sa pagdating ng mga politiko.

Wawasakin lang ng bagyong Pablo at baha ang mga tarpaulin ng mga politiko na nagwawagayway ng kanilang mga mukha at pagdating.

‘Yang pagpapakita nila ng personal at pagde-deliver na rin ng kanilang mga tulong ay tiyak na pahahalagahan ng mga biktima.

Mag-ingat din ang mga politiko sa pagpunta sa mga lugar at mamamayan na gusto nilang hatiran ng tulong.

Baka bumagsak ang kanilang mga eroplano o helikopter o lumubog ang kanilang mga speedboat o lantsa o barko.

Kapag nangyari yan at nadisgrasya ang mga politiko sa ganitong kalagayan, ang kalikasan na ang nagtakda ng kanilang kapalaran.

MEDIA AT IBA PA ‘DI NAGKULANG

Sa palagay ko naman ay hindi nagkulang ang pamahalaan, katulong ang media, sa pagpapaalaala sa mamamayan ukol sa bagyo.

Habang nag-aanunsyo ang pamahalaan, kasabay nito ang pagpapasa ng media ng mga balita.

Diyaryo, telebisyon, radyo at internet.

Lahat ng ito ay kumikilos para ipaabot sa lahat ukol sa lakas ng bagyo, ukol sa mga evacuation center, ukol sa mga pagkilos ng pamahalaan para sa pangkaligtasan na aktibidad, ukol sa kung saan matatagpuan kung nasaan ang mga distribution center ng mga tulong.

Huwag sabihin ng ma-mamayan na wala man lang silang radyo, diyaryo, telebisyon at computer para alamin ang kanilang kalagayan.

Kung wala naman kasi ang mga ito, aasahan mo ang mga kapitan ng barangay, ang mga kagawad, ang mga tanod na dumarating sa lahat ng mga sulok ng lugar upang maghatid ng mga balita ukol sa kaligtasan.

Kaya dapat lang na maki-pagtulungan na rin ng husto ang mamamayan na matatamaan ng bagyo.

Magtulungan po tayo lahat para na rin sa ating kabutihan at kaligtasan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply