Heat pinamaskuhan ang fans ng 103-97 panalo vs Thunder

BINIGYAN ng magandang Pamasko ng Miami Heat ang kanilang mga fans sa kanilang lugar matapos kaldagin ang Oklahoma City Thunder, 103-97 sa naganap na 2012-13 National Basketball Association, (NBA) Christmas Special kanina.

Kasalukuyang nasa unahan ang Heat sa Eastern Conference at Thunder sa Western Conference at dahil sila ang nagharap sa nakaraang NBA season Finals ay nagmistulang isang rematch ang labanan sa araw ng Pasko sa American Airlines Arena.

Nakapamasko ng 29 puntos, siyam na assists at walong rebounds si three-time MVP LeBron James upang ilista ng Heat ang 19-6 win-loss slate at itarak ang kanyang pang-tatlumpong mahigit 20 puntos sa isang laro.

Nabigyan din ng magandang regalo si Heat guard Dwyane Wade ng sumalpak ito ng 21 markers, limang rebounds at tatlong assists upang iukit din ang kanyang pang-pitong panalo sa walong laro sa araw mismo ng Pasko.

Nag-ambag din ang dalawang staters ng Miami na sina Mario Chalmers at star player Chris Bosh ng tig-20 at 16 points upang tulungan ang kanilang koponan na kumadena ng limang sunod na panalo.

Malaking bagay ang pagsandal ng Heat sa kanilang free throws dahil kumana sila ng 19-of-19 sa foul line dahilan para tumibay ang pagkakapit ng kanilang lamang sa huling minuto ng laban.

Angat lang ng isang puntos ang Heat matapos ang tira sa labas ni Thunder ace player Kevin Durant subalit nagawang gawing tatlo ang abante ng isalpak ni Ray Allen ang dalawang free throw, 100-97 may 15.6 segundo na lamang sa oras.

Ang huling tatlong puntos ng Heat ay nanggaling din sa foul line kasama ang technical foul ni Thunder guard Russell Westbrook ng hampasin nito ng kamay ang lamesa ng mga committee.

May pitong puntos ang kinamada ni Allen.

Bumira si Durant ng 33 puntos habang si Westbrook ay may 21 pts. subalit hindi ito sumapat para ipanalo ang OKC.

Nalasap ng Thunder ang kanilang ikalawang sunod na kabiguaan subalit sila pa rin ang nasa tuktok ng Western tangan ang 21-6 baraha.

Samantala, unti-unti namang gumaganda ang kartada ng Los Angeles Lakers nang kaldagin nila ang New York Knicks, 100-94.

Naabot na ng Lakers ang .500 pts. nang ilista nila ang 14-14 panalo-talo.

Nagwagi din sa araw ng Pasko ang Boston Celtics kontra Brooklyn Nets, 93-76.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply