Hepe ng Taguig Police sinibak na

SINIBAK na ang hepe ng Taguig Police gayundin ang kanyang mga tauhan makaraang ibunyag ng isa sa mga tauhan nito na nasa likod ang opisyal sa pagbebenta ng nakumpiskang shabu sa mga big time drug pusher sa lungsod.

Ibinaba ang kautusan ng pagsibak sa pwesto kay S/Supt. Tomas Apolinario matapos lagdaan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Leonardo Espina upang masusing imbestigahan ang akusasyong nasa likod ng bentahan ng droga ang naturang opisyal kasama ang mga tauhang nakatalaga sa Special Anti-Illegal Drugs – Special Task Force (SAID-SOTF).

Ayon kay Espina, ang pagsibak sa pwesto kay Apolinario at mga tauhan ay upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon sa kanila.  Maging si PO3 Alexander Saez, dating imbestigador ng SAID-SOTF sa Taguig police, ay pinagpapahinga pansamantala ni Espina dahil sa seryosong usapin.

“As a matter of policy and procedure for serious allegations at saka grave misconduct or serious irregularity cases, we have to take them out for the meantime while the investigation is on-going doon sa kanilang mga stations,” ayon sa heneral.

Bago pa man ito mabunyag, nabatid na nakapagsampa na ng pormal na kasong kriminal si Saez laban kay Apolinario at mga kasama sa NBI.

Samantala, ibinigay ni Apolinario ang kanyang panig kay Espina kamakalawa, gayunman nagbuo na ang heneral ng grupong magsasagawa ng imbestigasyon sa kaso na pamumunuan ni NCRPO deputy director for administration Chief Superintendent Sonny David kung saan binigyan ito ng 30 araw upang resolbahin ang reklamo.

Nauna dito, lumiham si Saez at inihayag na naging bahagi siya ng “drug recycling activities” kasama sina Apolinario, Senior Insp. Jerry Amindalan, SPO2 Ernesto Sanchez, Police Officers 3 Noel Antillon Jr., Christopher Bonifacio, Joseph More, Elric Valle, Jowel Briones, Marvin Zatahas at PO1 Jerry Balbin simula noong Mayo hanggang Oktubre nitong nakalipas na taon.

Ayon pa sa kanyang liham, umabot sa P5-milyon ang kanilang napagbentahan at P200,000 dito ang kanyang naging kabahagi.  Aniya maging ang New Bilibid Prison (NBP) ay kanilang napasok upang magbenta ng droga sa mga inmate na Chinese drug lords.

Bahagi ng liham ni Saez na nakunsensiya siya kaya lumiham sa heneral.  Aniya ito ang tama bilang isang pulis – “maging sundalo ng Panginoon at ng mamamayan”.

Nang makarating sa kaalaman ni Apolinario at ng mga samahan ang ginawa ni Saez, sinampahan siya ng kasong libelo sa Taguig City Prosecutor’s Office noong Nobyembre 26.

Ayon sa panig ni Apolinario at ng mga kasamahan, tinanggal nila si Saez sa team noong Oktubre 28 dahil mababa ang ipinapataw na kaso sa kanilang mga huli at tinatangay din ang mga personal na gamit ng huli, at pinepeke ang pirma ng kanyang mga ‘superior’.

Sa ngayon ay nasa kostudiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Saez kasunod ang paghingi niya ng proteksiyon kay Pangulong Benigno Aquino III na bigyang proteksiyon ang kanyang pamilya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply