Hinagpis ni Gng. Burgos

bobby-ricohermoso

MAY katwiran si Gng. Edita Burgos, nanay ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos, na sumama ang loob kay Pangulong Noynoy Aquino.

Sa dami naman kasi ng puwedeng ilagay ni Noynoy para pamunuan ang  Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ay si Brig. Gen. Eduardo Año pa ang inilagay niya rito.

Sa mga hindi pa nakaaalam, kasama kasi si Gen. Año sa mga inaakusahan ni Gng. Burgos na responsable sa pagdukot at pagkawala hanggang ngayon ng anak niyang si Jonas.

Kaya nga hindi nakapagtataka na sinabi ni Gng. Burgos, asawa ng press freedom icon na si Jose Burgos, na sa pagkahirang kay Año ay nawala na rin ang pag-asa niya na maibabalik pa sa piling niya ang kanyang anak o di kaya ay mabibigyan ng hustisya ang nangyari dito.

Hudyat na rin aniya ito na talagang hindi magbabago at lalo pang magiging grabe ang paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa.

Natatakot din siya na madagdagan pa lalo ang bilang ng kaso ng desaparicidos o sinadyang pagkawala sa bansa na gaya ng nangyari sa anak niya.

Hindi natin masisisi si Gng. Burgos kung ganito ang kanyang nararamdaman. Hindi madali sa isang ina na basta na lamang kalimutan kung ano ang nangyari sa anak niya.

Lalo pa na hanggang ngayon ay may agam-agam siya kung buhay pa ba o hindi na si Jonas dahil hanggang ngayon ay hindi pa ito nakikita simula nang dukutin sa isang mall sa Quezon City ilang taon na ang nakararaan.

Iniisip kasi ni Gng. Burgos na dahil sa pagkaka-appoint ni Noynoy kay Gen. Año ay parang inabsuwelto na niya sa kaso ito.

Hanggang ngayon kasi ay nakabinbin at nasa preliminary investigation pa rin sa Department of Justice (DoJ) ang kaso na isinampa niya laban dito at sa 44 pa niyang kasamahan.

At kapansin-pansin na hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad ang kaso ni Jonas sa kabila ng pagkakatatag noong Nobyembre 22 ng” inter-agency committee on extra-legal killings, enforced disappearances, torture and other grave violations”.

Ang nasabing grupo ay pinamumunuan ni Justice Secretary Leila de Lima subalit gaya ng inaasahan ay wala pa rin itong naipakikitang tuwirang pagkilos. Sa harap ng mga kaganapang ito ay isang tanong ang biglang lumabas, paano na si Jonas?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply