Holiday food safety tips

holiday-tsibog

NAG-ISYU ng holiday food safety tips ang Food and Drugs Administration (FDA) ng Department of Health (DOH) upang matiyak na magiging ligtas ang publiko mula sa mga karamdaman na nakukuha sa mga hindi ligtas na pagkain ngayon nalalapit na Pasko.

“To keep you safe during the holiday season the FDA is issuing this advisory to remind the consuming public to exercise food safety habits to avoid undue illnesses caused by food with microbiological, chemical and physical contamination,” nakasaad sa DOH-FDA Health Advisory No. 2012-015.

Batay sa dalawang-pahinang advisory na nilagdaan ni FDA Acting Director IV Kenneth Hartigan Go, sinabi nito na dapat na tandaan ng consumer na kahit pa holiday rush ay dapat na maging maingat sa pagpili, pagbili, paghahanda, paghawak at pag-iimbak ng pagkain ang publiko.

Paliwanag ni Hartigan-Go, maaaring maging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit kung marumi at hindi ligtas ang pagkaing kakainin.

Ilan aniya sa typical symptoms ng foodborne illnesses o sakit na nakukuha sa pagkain ay pagsusuka, pagtatae, at flu-like symptoms, na maaaring maranasan, ilang oras lamang o araw matapos na makakain ng hindi ligtas na pagkain.

Nagbabala pa ang FDA na ang pagkain ng unsafe foods ay maaaring maging dahilan ng malalang Hepatitis A, gastroenteritis, cholera, typhoid fever, amoebiasis at poisoning o pagkalason mula sa toxic chemical substances.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Hartigan-go ang publiko na sundin ang mga sumusunod na practical food safety tips para maiwasan ang foodborne illnesses.

Payo ng FDA, dapat na bumili lamang ng pagkain mula sa reputable food sources at itsek ang physical condition ng produkto at iwasan ang pagbili ng mga dented, bulging o deformed na canned goods.

Sinabi ng FDA chief na dapat basahin muna ang food labels kabilang ang ingredients at allergens declaration at kung sensitive dito ay iwasan na lamang ang naturang pagkain.

Dapat ding tiyakin na hindi pa expired ang pagkain at i-double check kung maganda pa ang kalidad at sakop pa ng safety guarantee period ang mga Holiday Promo items tulad ng mga Buy 1/Take 1 at mga Freebies na mas madalas bilhin ng mga mamimili dahil mas nakakamura sila sa mga ito.

Ani Hartigan-Go, mas makabubuti kung iiwasan ang mga pagkaing walang label o ni-repacked at mabibili kung saan-saan dahil maaaring nagpapanggap lamang ang mga ito na gawa ng mga kilalang brand ng food products.

Iginiit ng FDA na kahit pa naka-repack ang pagkain ay dapat pa ring mayroon itong kaukulang label information at dapat na inihanda sa hygienic facility at malinis na pamamaraan.

Kung bibili naman ng mga prutas at mga gulay ay dapat na tiyaking sariwa ang mga ito at hugasang mabuti sa running water bago lutuin o kainin.

Ugaliin ding maghugas ng kamay, bago, habang at pagkatapos maghanda ng pagkain at pagkatapos na gumamit ng palikuran.

Maghanda lamang ng pagkain sa malinis na lugar at gumamit din ng malinis na sisidlan, utensils, sangkalan at iba pa.

Kung nais namang tumikhim ng mga street foods sa panahon ng Holiday ay dapat muna umanong alamin kung malinis ang pagkakahanda at pagkakaluto ng mga ito. Kung may pagdududa ay mabuting huwag na lamang tumikhim ng naturang pagkain.

Ang mga tirang pagkain ay dapat na itago sa loob ng refrigerator at kung panis na ang mga ito o hinihinalang panis na ay kaagad nang itapon at huwag nang tangkaing iinit pa o lutuing muli.

Pinayuhan din ng FDA ang mga mamamayan na kumain lamang ng tama at masustansiyang pagkain, umiwas sa matataba at maaalat na pagkain at gawing moderate lamang ang pag-inom ng alcohol ngayong holiday.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply