Impunity sa hanay ng mga negosyante

by the square

MALAGANAP na talaga ang kultura ng kawalang pananagutan o culture of impunity at pati mga negosyante ay tila naapektuhan na rin nito.

Ito ang napag-alaman natin matapos ipatigil ng building official ng Kyusee na si Isagani Verzosa Jr. ang sinasabing iligal na konstruksyon ng 33 palapag na condominium unit sa tabi ng Quezon City Hall. Ang gusali ay pag-aari diumano ng isang kompanya ni business tycoon Andrew Tan.

Ayon sa mga rekord na pinanghahawakan ng inyong lingkod ay lumalabas na wala palang construction permit mula sa tanggapan ni Verzosa ang nasabing gusali. Nalaman pa natin na sa kabila ng mga paalaala na kumuha ng permit ay patuloy ang ginagawang pagsasaayos ng gusali. Sa katunayan ay naging problema na rin daw ng pamahalaang panglungsod ang mga tipak ng bato na umano’y lumalagpak sa mga lansangan na nakapaligid sa gusali.

“Isipin na lamang na sa likod pa ito ng city hall. Malaganap na nga talaga ang culture of impunity na pati mga korporasyon o negosyante ay tila apektado na nito,” sabi sa atin ni Verzosa.

Nalaman pa natin mula sa tanggapan ni Verzosa na dating may construction permit para sa nasabing gusali, Capitol Plaza condominium, subalit napaso na ito. Keep up the good work, Engr. Verzosa.

* * *

Nananakot ang mga prinsipe ng simbahang Romano Katoliko na maaring magkaroon ng pag-aaklas kung sakaling maisabatas ang Reproductive Health bill na nakabinbin ngayon sa Kongreso.

Imbes na kalamayin ang kalooban ng mga mananampalataya ay lalong ginagatungan ito ng mga pari na may paurong na kaisipan. Nakapagtataka na masyado silang nagbibigay halaga sa mga buhay na maaaring parating pa lamang subalit hindi nila inaalintana ang sinasapit ng mga buhay na narito na.

Aba kung totoong pro-life kayo ay hindi ba’t mas tama na ang bigyan ninyo ng pansin ay ang mga nangabubuhay na kaysa ang mga binhi na hindi pa mandin tao?

Naalala ko tuloy ang isang akda ni Marcelo H. Del Pilar na nagtatanong sa mga prayleng Kastila na kung totoong masarap ang buhay sa langit ay bakit nagsisisiksik sila rito sa mundo at pilit na pinaglalabanan ang kamatayan?

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply