Ipasa agad ang RH bill

bobby-ricohermoso

SA maraming pagkakataon noong nakaraang mga panahon ay isinulat ko na sa pitak kong ito ang hinggil sa pagsuporta ko sa nakabinbing kontrobersyal na Reproductive Health bill.

Habang nagtatagal kasi ito ay patuloy na nalalagay sa panganib ang buhay ng maraming nanay at ng mga batang dinadala nila sa sinapupunan. Sa madaling salita, hindi ligtas at mahirap maging isang ina sa Pilipinas sa panahong ito.

Totoo ito lalo na kung kabilang ang isang nanay sa hanay ng mga mahihirap at ordinaryong  mamamayan .

Ang mas masakit pa ay mismong ang mga taong simbahan, partikular na ang kaparian ng Roman Catholic Church, ang siyang nagiging hadlang para maging mas ligtas at maginhawa ang mga kababaihan sa bansa.

Pinangungunahan kasi ng simbahan ang pagkontra sa panukalang Reproductive Health bill na ayon sa kanila ay laban sa kanilang paniniwala na lahat ng buhay ay kaloob ng Diyos.

Naniniwala kasi ang mga pari na ang kontrobersyal na panukalang batas ay magiging daan para kitilin ang buhay ng mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina.

Natatakot din ang mga pari na dahil sa RH bill ay maging mas mapusok ang mga kabataan at magreresulta ito sa mga gawaing may kalaswaan, pagtatalik kahit hindi pa ikinakasal at wala sa oras na mga pagbubuntis.

At para patunayan na desidido sila na pigilan ang pagpasa sa RH bill ay naghahanda na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na magpalabas ng isang pastoral letter na nagkokondena sa mga mambabatas na sumusuporta sa kontrobersyal na panukala.

Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng simbahan ay naniniwala ako na walang masama sa RH bill at sa halip ay makatutulong ito para sa kabutihan ng mga kababaihang Pilipina.

Layunin kasi ng RH bill na magkaroon ang mga kababaihan ng kalayaang makapamili ng tamang bilang ng anak base na rin sa mga gagamitin nilang paraan ng family planning.

Matuturuan din sila ng pamamaraan kung paano aalagaan ang sarili sa panahon ng kanilang pagbubuntis.

Mabibigyan din sila ng suporta para sa mas ligtas na panganganak at kung paano nila aalagaan at palalakihin ang kanilang mga anak.

Kaya naman hindi dapat matakot ang mga mambabatas na nagsusulong ng RH bill kahit pa nagbabanta ang CBCP na mananawagan sila para huwag silang ihalal sa darating na eleksyon. Matalino na ang mga mamamayan ngayon at alam na nila kung ano ang tama at mali, kaya malaki ang posibilidad na hindi nila bigyang pansin ang panawagan ng simbahan.

Lalo pa at buhay at kapakanan ng mga nanay at mga anak nila ang nakataya dito. Buhay na galing sa Diyos at hindi sa mga pari na gustong sikilin ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply