Kalusugan ng PWDs sa Marikina tututukan

HINIKAYAT ni Mayor Del De Guzman ang lahat ng barangay council sa lungsod na ilista ang mga residenteng mayroon kapansanan o Persons With Disability (PWDs) na naninirahan sa kanilang mga barangay.

Ito ay ayon sa ipinasang Resolusyon Bilang 170, Serye ng 2012 o “Resolution urging all barangay councils in Marikina City to spearhead the registration of persons with disability in their respective barangays.”

Ayon kay De Guzman, ang mga PWDs na naninirahan sa lungsod ng Marikina ay kinakailangang maipatala upang mas mapadali ang paghahatid ng serbisyong pagkalusugan ng lokal na pamahalaan para sa mga ito.

“Magiging mas madali para sa ating City Social Welfare and Development Office kung tukoy na agad ang bilang ng mga PWDs na nangangailangan ng kanilang serbisyo partikular na sa bawat barangay sa lungsod,”wika ni De Guzman.

Sa kasalukuyan, ang lokal na pamahalaan ng Marikina ay nasa proseso na ng pagtatayo ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na inaasahang magbubukas sa susunod na taon.

Ang  Sangguniang Panlungsod naman ay magsasagawa ng ilang pagtitipon o pagpupulong upang matukoy ang itatalagang officer-in-charge ng PDAO na isang taong tumutulong na sa mga PWDs sa Marikina.

Matapos makuha ang listahan ng PWDs sa 16 na barangay ng lungsod, ipapadala ang mga kopya nito sa City Social Welfare and Development Office at maging sa Committee of Senior Citizens at sa PDAO ng Sangguniang Panlungsod.

“Sa itatayo nating Persons with Disability Affairs Office, mas mailalapit natin sa kanila ang serbisyo ng pamahalaan na tutugon sa kanilan pangangailangan,” dagdag pa ni Mayor Del De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply