Kamatayan kahit saan at sakdal vs Zaldy Ampatuan

benny antiporda

LABIS-LABIS ang ating kalungkutan sa grabeng trahedya na idinulot ng bagyong Pablo sa ating bansa.

Kung tutuusin, nagawa na ng lahat ang kanilang tungkulin upang mailayo sa kapahamakan at kaligtasan ang maraming mamamayan mula sa mabalasik na baha at bugso ng bagyo ngunit naririyan pa rin ang maraming kamatayan, pagkawala at pagkasugat ng maraming tao.

Naririyan din ang gutom, ang kasiraan ng mga ari-arian, ang pagkasira ng kinabukasan ng marami at ang iba pang sumpa sa buhay.

Habang nasa harapan natin ang mga nakapilang bangkay ng mga biktima, ang mga wasak na tahanan at iba pang ari-arian, ang paglutang ng mga patay na hayop sa baha na ikinabubuhay ng tao at ang pag-kasira ng mga pananim, hindi natin maiwasan ang mapadasal.

Napadarasal tayo, mga Bro, para magpasalamat sa hindi natin pagkakadamay sa mga biktima ni Pablo.

Napadarasal din tayo nang higit para sa lahat ng mga biktima.

At naiisip natin kung ano ang mga posible nating magagawa para sa mga namatay, naulila, nagugutom at iba pa.

Diyos ko, ano na nga ba ang nagaganap sa ating mahal na bayang Pinas…sa ating mga Filipino?

P3M+ NA TULONG

Ayon sa DSWD, nag-handa at nagpapadala na sila ng mahigit sa P3 milyong halaga ng sari-saring tulong sa mga nasalanta.

Bakit ganun kaliit ang tulong ng DSWD?

Nagagawa ng DSWD ang gumastos ng bilyon-bilyong piso sa mga pampapogi at hindi maipaliwanag na mga gastusin ngunit sa kamatayan at kahirapan, iilang milyon lang ang kaya nitong bitiwan?

Sabagay, hindi lang naman ang DSWD ang kumikilos na ahensiya ng pamahalaan.

Lahat ay matatagpuan sa mga lugar ng kalamidad: militar, pulis, public works and highways, weather bureau, lokal na pamahalaan at marami pang iba.

Ngunit tiyak namang ilang milyon lang din ang ibinubuhos ng mga ito para sa mga proyektong pangkaligtasan at pampawi ng mga gutom, uhaw at sakit.

SAHOD NG MGA KONGRESMAN

Naghayag ang mga kongresman na ilalaan nila ang isang buwan nilang sahod para sa mga biktima.

Maganda na rin ang naisip na ito ng mga kongresman.

Subalit maituturing na consuelo de bobo ang hakbang nilang ito.

Maano bang sabihin nila na ang 20 porsiyento nilang kikbak sa P221 milyon nilang pork barrel sa tatlong taon nilang panunungkulan ay ilaan na lang nila sa mga biktima?

Tutal, galing naman sa taumbayan ang bulto ng kanilang tinatanggap na pabuya mula sa kanilang mga pork barrel?

PORK BARREL NG PALASYO

Ayon sa mga kritiko, ang Palasyo ang may pinakamalaking pork barrel sa halagang bilyon-bilyong piso.

Nasasabi pa nga ng isang senador na ang buong badyet ng isang taon ang pork barrel ng Palasyo o ng Pangulo.

Ginagawa pang laruan ang mga pork barrel ng mga kongresman kaya naririyan ang mayroon at wala nito.

Nilalaro rin umano nito ang daan-daang bilyong internal revenue allotment.

Kung sino ang nagiging sunud-sunuran sa Palasyo na mga lokal na opisyal, sila ang maayos na nakatatanggap ng IRA.

GASTUSIN PARA SA MGA BIKTIMA

Hindi natin gaanong maarok ang ibig sabihin ng mga kritiko ngunit alam natin na malaki  ang say ng Palasyo sa kung saan at kung kanino gagastusin ang mga pork barrel ng pamahalaan na bilyon-bilyong piso ang halaga.

Ang punto ay may pork barrel na bilyon-bilyong piso.

Sana naman, hindi lang kakarampot na milyong piso ang ibubuhos nito para sa mga biktima.

Alalahaning hindi lamang isang araw o isang linggo o isang buwan ang paghihi-rap ng

maraming biktima.

Marami ang aabutin ng taon bago muling makabalik sa normal na pamumuhay.

Pupuwede bang ayudahan ang mga ito ng pork barrel ng Palasyo?

ZALDY AMPATUAN AKUSADO

Nag-isyu na ang Korte Suprema ng resolusyon ukol sa pagkakasangkot ni Zaldy Ampatuan sa masaker na ang kanyang ama na si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan at kapatid ni Zaldy na si Mayor Andal Ampatuan Jr. ang itinuturong mga pangunahing akusado sa krimen.

Sa resolusyon ng Third Division ng SC, kinumpirma nitong tama ang desisyon ng Court of Appeals na sang-ayunan ang resolusyon ng Department of Justice na nagsasangkot kay Zaldy sa masaker.

Matatandaan, mga Bro, na unang inabsuwelto ng DOJ si Zaldy ngunit kalaunan, binaligtad ng DOJ ang sarili nito.

Nakatulong ng malaki sa pagbabago ng desisyon ang mga pagtutol ng mga biktima, taumbayan at mamamahayag sa naunang desisyon ng DOJ at mula noon, umakyat na ang usapin sa Court of Appeals hanggang sa Supreme Court.

BASAHAN NA NG SAKDAL

Para sa atin, dapat nang basahan ng sakdal si Zaldy Ampatuan bilang akusado sa malagim na pagpaslang sa 58 katao, kabilang na ang 33 na mamamahayag.

Huwang nang antayin na umakyat ang kaso sa En Banc para sa panibagong resolusyon.

Ito’y para umusad na nang husto ang pag-uusig ng kaso at maiwasan ang daan-daan o libo-libong taon na pag-uusig dito.

Basta maging patas ang pagpapairal ng katarungan, hindi aangal ang mamamayan.

May sapat na panahon para sa lahat ng mga akusado na patunayan ang kanilang pagiging inosente o hindi sa krimen.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply