Kampanya vs paputok mas tututukan ng DoH

DESIDIDO ang Department of Health (DOH) na gawing mas epektibo pa ang kanilang mga gagamiting kampanya laban sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Kaugnay nito, inianunsiyo ni Health Assistant Secretary Eric Tayag na gagamit sila ng iba’t ibang istratehiya sa bawat rehiyon sa bansa para ikampanya ang pag-iwas sa paputok.

Ayon kay Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), sa ibang probinsya ay ang Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) ang kanilang gagamitin. Gayunman, sa ibang lugar gaya ng Metro Manila ay posibleng scare tactics ang kanilang gamitin.

Ipinaliwanag ni Tayag na resulta ito ng ginawa nilang group discussion kasama ang ilang mga estudyante, na nagsabing nais nilang ibalik ng gobyerno ang “scare tactics” o paggamit ng taktika na nagpapakita ng larawan ng mga taong nabiktima ng paputok.

Noong panahon ng Arroyo administration ay ang “scare tactics” ang ginagamit ng DOH ngunit napalitan ito sa panahon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III kung saan ang inilunsad ay ang mas positibong istratehiya.

Ayon kay Tayag, posibleng magpalabas ulit sila sa mga patalastas sa telebisyon ng mga scare tactics, habang ang mga tarpaulins at brochures naman ay APIR campaign ang kanilang gagamitin.

Una nang inihayag ng DOH na gagamitin nila ang “Gangnam Style” dance craze bilang bahagi ng kampanya kontra paputok.

Batay sa datos ng DOH, mula Disyembre 21, 2011 hanggang Enero 5, 2012 ay aabot sa 1,021 injuries ang naitala dahil sa mga fireworks at firecrackers.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply